Nakatakdang sumabak ang 40 atleta mula sa Philippine Sports Association for the Differently Abled—National Paralympic Committee of the Philippines (PhilSPADA-NPC Philippines) sa gaganaping Asian Para Games matapos ang malamyang kampanya ng Pilipinas sa 17th Asian Games sa Incheon, Korea.
Sinabi ni PSC Chairman Richie Garcia sa lingguhang Philippine Sportswriters Association (PSA) forum sa Shakey’s, Malate na nakatakdang umalis ang delegasyon ng bansa para sa torneo na gaganapin naman simula sa Oktubre 18 at matatapos sa Oktubre 24.
Ang 2014 Asian Para Games ang kasunod na aktibidad para sa may mga kapansanan matapos ang Asian Games. Ito ang ikalawa lamang na pagkakataon na isasagawa ang Asian Para Games matapos na unang isagawa noong 2010 sa Guangzhou, China.
Inaasahang lalahok ang mahigit na 4,500 atleta mula sa 41 bansa na lalahok sa 23 sports.
Paglalaban ang mga isports na archery, athletics, badminton, boccia, cycling, football (5-a-side at 7-a-side), goalball, judo, lawn bowls, powerlifting, rowing, sailing, shooting, swimming, tenpin bowling, table tennis, sitting volleyball, wheelchair basketball, wheelchair dance sport, wheelchair fencing, wheelchair rugby at wheelchair tennis.
Asam naman ng Pilipinas na maiuwi ang unang gintong medalya nito sa torneo.