Nasiguro ng Mapua ang twice-to-beat advantage papasok sa Final Four round makaraang makisalo sa pamumuno sa pamamagitan ng 82-75 panalo kontra sa CSB-La Salle Greenhills sa pagtatapos kahapon ng kanilang elimination round campaign sa NCAA Season 90 juniors basketball tournament sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.

Tumabla ang Red Robins sa defending champion San Beda College (SBC) Red Cubs na tumapos din na may 15-3 baraha.

Sa umpisa pa lamang ay ipinakita na ng Red Robins ang determinasyon na makamit ang tagumpay matapos layuan agad ang Greenies, 25-11 sa pagtatapos ng first quarter.

Ngunit pagdating sa third period, nakuhang dumikit ng Greenies sa iskor na 53-58, sa pagtutulungan nina Amando San Juan, Alain Madrigal, Ricci Rivero at John Gob na nagtala ng pinagsanib na 24 puntos.

National

Rep. Castro sa plano ni VP Sara na tumakbo bilang pangulo: 'Well, sana hindi siya manalo!'

Gayunman, hindi natinag ang Red Robins sa kanilang kapit sa pangingibabaw hanggang sa tuluyang maangkin ang panalo sa pakikipagsabayan sa Greenies sa final canto.

Nabalewala ang game high na 23 puntos ni Rivero, 14 dito ay inilatag niya sa fourth canto, kung saan ay halos mag-isa niyang binalikat ang laban para sa La Salle Greenhills dahil bumaba pa rin ang koponan sa barahang 10-7 (panalo-talo) at tuluyan nang nagsara ang pintuan para sa Final Four round para sa kanila.