MALIWANAG ang pahiwatig ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA): Walang pinagtibay na batas, executive order o proclamation na opisyal na kumikilala sa sinuman bilang pambansang bayani. Ang tinutukoy rito ay yaong tinatawag na Filipino historical figure, tulad ng isinasaad sa kasaysayan ng bansa.

Lumilitaw na kahit na si Dr. Jose Rizal – na matagal nang itinuturo sa mga paaralan bilang pambansang bayani ng Pilipinas – ay hindi napag-ukulan ng naturang karangalan o official title. Isa itong malaking kabalintunaan, lalo na kung isasaalang-alang na ang kanyang mga monumento ay matatagpuan hindi lamang sa iba’t ibang panig ng kapuluan kundi maging sa maraming bansa sa daigdig. Mahirap paniwalaan na siya bilang isang dakilang henyo ng ating lahi ay ituturing na isang kolorum na bayani.

Ang nabanggit na pahiwatig ng NCCA ay tiyak na paulit-ulit na magpapainit sa katanungan: Sino nga ba ang maituturing na pambansang bayani ng bansa – si Rizal, Andres Bonifacio o si Lapu-lapu? Magugunita na hindi iilang sektor ng ating lipunan ang halos makipagbangayan sa pagsusulong kay Bonifacio bilang national hero ng Pilipinas.

Gayunman, marapat na bigyangdiin na hanggang sa mga sandaling ito, walang opisyal na proklamasyon kung sino ang tunay na pambansang bayani. Mabuti pa ang ilang national symbol ng bansa ay nabigyan ng opisyal na pagkilala. Tulad ng Sampaguita bilang national flower, at Narra bilang national tree, alinsunod sa Commonwealth-era Executive Proclamations.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Marami nang pagtatangka na tukuyin at bigyan ng opisyal na pagkilala ang mga bayaning Pilipino. Noong panahon ni Presidente Ramos, binuo ang National Heroes Commission (NHC) upang suriin ang Filipino national personages na pararangalan batay sa kanilang maningning na karakter at natatanging mga nagawa para sa bayan. Bukod pa rito ang mga pamantayan na dapat taglayin ng isang bayani, tulad ng kanilang pakikipagsapalaran sa pagtatamo ng kalayaan, na kanilang mga naiambag sa kalidad ng pamumuhay at sa kapalaran ng bansa, at iba pa.

Batay sa nabanggit na mga pamantayan, may maituturing kaya tayo na isang tunay na pambansang bayani?