Kung mayroon mang hinahangaan ang basketball fans kay University of Perpetual Help “flashy guard” Earl Scottie Thompson, ito’y ang kanyang abilidad na pangunahan ang kanyang team tungo sa tagumpay.

Katunayan, sa sandaling ipinasok na siya ni coach Aric del Rosario sa loob ng court, halos garantisado na ang pagtatapos niya na may double-double performance at hindi na rin bago sa kanya ang tumapos na mayroong triple-double output.

At nagawa na naman niyang patunayan ang lahat ng mga katangiang ito makaraang muling namuno upang maipanalo ng Altas ang dalawang mahahalagang laro noong nakalipas na linggo sa ginaganap na NCAA Season 90 basketball tournament kung saan tinalo nila ang College of St. Benilde (CSB) at San Sebastian College (SSC).

Sa kanilang pinakahuling panalo laban sa Stags, kinailangan ni Thompson ang tulong ng iba pang miyembro ng tinaguriang “Power Four” ng Altas na sina Juneric Baloria, Harold Arboleda at Justine Alano na maghabol matapos maiwanan ng 14 puntos.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Kaya naman sa ikatlong pagkakataon ngayong taon ay nakamit niya ang lingguhang citation bilang NCAA Press Corps ACCEL Quantum-3XVI Player of the Week.

Kabilang sa kanyang mga naungusan para sa parangal na suportado ng Bactigel hand sanitizer, Doctor J Mighty Alcohol at Mighty Mom Dishwashing ang mga kakamping sina Arboleda at Baloria, Dioncee Holts ng Arellano University (NU) at Ford Ruaya ng Letran.

Sa kanilang laban kontra Blazers, pinatunayan ni Thompson kung bakit siya ang nangungunang MVP candidate sa liga makaraan niyang umiskor ng 20 puntos, 12 rebounds at 8 assists.

Kasunod nito sa kanilang laban sa Stags, inilatag naman ni Thompson ang 23 sa kanyang game high na 29 puntos sa second half, bukod pa ang 9 rebounds, 8 assists at 1 block para pangunahan ang Altas.

“’Di ko iniisip ang MVP or kahit anong personal. Iniisip ko lang kung paano ako makakatulog sa team ko, ginagawa ko lang lahat talaga para makapasok kami sa Final Four,” ani Thompson.

Halos wala namang masabi ang kanyang coach sa ipinapakitang laro ni Thompson.

“Wala na akong masasabi sa kanya. Biruin mo, halos binitbit niya kami e. Makikita mo talaga na ayaw niyang magpatalo,” pahayag ni Del Rosario.