SI Pangulong Noynoy na ang pinagre-resign ngayon pagkatapos lumabas sa Pulse Survey na anim sa sampung boss niya ay ayaw nang palawigin pa ang kanyang termino. Kasi, may nagsusulong pa sa kanyang mga kaalyado sa Kongreso na amendahan ang Saligang Batas upang bigyan pa siya ng bagong termino. Nagpapahiwatig lang ito na kahit ang survey ay may kinalaman sa pagpapalawig ng kanyang termino, eh may kahinaan na siya sa kanyang boss. Malaking bagay iyong patuloy niyang ipinagtatanggol pa ang mga opisyal niyang pinasisibak na sa kanya ng mga ito.

Pinasisibak sa Pangulo ng kanyang boss ang mga bata niyang sina Budget Secretary Butch Abad, Department of Agriculture Secretary Proceso Alcala, PNP Chief Alan Purisima at Health Secretary Ona. Sina Abad at Alcala ay nagresign nga, pero hindi tulad ng resignation ni NFA Administrator Juan na irrevocable, ang kanilang resignation ay ibinigay sa Pangulo depende kung tatanggapin niya ito o hindi. Eh hindi na nga tinanggap ng Pangulo, ipinagtanggol pa at nilinis ang kanilang pangalan. Ang apat ay pinasisibak sa Pangulo ng kanyang boss dahil sa tiwali at walang kakayahang ang mga ito na gampanan ang kanilang tungkulin. Mabigat na pasanin ang mga ito sa Pangulo. Malaking sagabal ang mga ito sa pagnanais pa niya na tahakin ang tuwid na daan.

Ayan na nga at siya na ang pinagreresign. Samantalang iyong mga kaalyado niya sa Kongreso ay gustong magtagal pa siya sa pwesto kahit matatapos na ang kanyang termino, may boss siyang gustong putulin na nang maaga ito. Bumabalandra na sa kanya ang galit ng kanyang boss sa mga bata niya na hanggang ngayon ay kinakalinga pa niya. Mabigat ang pagkakasala ng mga bata niya sa kanyang boss. Kahit labag na sa kagandahang asal, sa galit ng mga estudyante sa isang bata niya ay pinakitahan na ito nang hindi maganda. Sa kanya rin ang tama nito. Hanggang may panahon pa ay dapat sundin na niya ang kanyang boss at tanggalin na niya ang kinamumuhian nilang mga bata niya. Baka sa pagmamatigas niya ay gumiwang-giwang na ang kayang bangka at magtalunan na ang kanyang mga kaalyado na sanay na sa weatherweather lang. Maiiwan na siyang magisa at malungkot na iginagapang niya ang kanyang administrasyon sa tuwid na daan.
Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente