Magniningning ang kagandahan at talento ng mga senior citizen sa Makati City sa paggunita sa Elderly Filipino Week.

Sa dalawang linggong selebrasyon, iba’t ibang aktibidad ang inihanda ng Makati Social Welfare and Development (MSWD) at Office of Senior Citizens’ Affairs (OSCA), na sasabak ang mga senior citizen sa mga “friendly competition.”

Sinimulan ang selebrasyon sa pamamagitan ng Walk for Life noong Oktubre 1 sa Mall of Asia sa Pasay City.

Ayon kay MSWD chief Ryan Barcelo, ginanap na rin ang vocal solo at folk dancing competition, kasama ang “Groovy kong Lolo” contest kahapon.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Bukas, Oktubre 8, inaasahang magpapatalbugan sa ganda ang mga lola ng siyudad sa “Bongga kong Lola.”

Ikinasa na rin ng Makati City government ang ballroom dancing para kina lolo’t lola sa Oktubre 14.

Sinabi ni Barcelo na ang tema ngayong taon ay “Ang Nakatatanda ay Yaman, Katuwang sa Pag-unlad ng Bayan, Pangalagaan Kanilang Kapakanan.”

“We owe so much of the social and economic progress we enjoy today to the elderly, whose invaluable contributions to Makati and the nation as a whole deserve the eternal gratitude of the younger generations,” anang MSWD chief.

Umabot na sa 64,586 senior citizen ng Makati ang nakarehistro sa BLU Card Program at nakatatanggap ng P2,000 hanggang P4,000 cash gift kada taon depende sa edad, habang ang mga 100 anyos pataas ay nakatatanggap ng P100,000 kada taon.