PINAKAMALAKING importer ng bigas sa daigdig ang Pilipinas, ayon sa isang pag-aaral na isinagawa ng Philippine Rice Research Institute (Philrice). Para sa pangangailangan nito sa susunod na taon, mag-aangkat ang bansa ng 1.6 milyong tonelada ng bigas mula Vietnam at Thailand.
May kakayahan ang Pilipinas na mag-produce ng mahigit 6,344 ng bigay kada ektarya, gayong mas maganda ang production records ng Vietnam, Indonesia, at China. Nagpo-produce ang Vietnam ng 6,808 kilo; ang Indonesia nasa 6,675 kilo, at ang China na may 6,549 kilo kada ektarya. Ngunit may mahigit 43,000 square kilometer ng palayan ang Pilipinas. Nakahanda itong makapag-produce ng bigas na sapat sa pangangailangan ng bansa. Problema lamang nito ang mataas na halaga ng produksiyon ng mga magsasakang Pilipino kaysa mga magsasakang Vietnamese at Thai, kung kaya mas mura para sa atin ang mag-angkat ng bigas mula sa mga bansang ito kaysa i-produce ito natin.
Sapagkat batid kung saan nakahimlay ang problema, kailangang isentro ng ating mga tagaplano sa gobyerno ang kanilang pagsisikap sa paghahanap ng mga solusyon. Noong nakaraang taon, nagpatupad ng isang programa ang Department of Agriculture na tinaguriang “Palayabangan: The 10-5 Challenge” na tumutukoy sa layuning makapag-ani ng sampung toneladang bigay kada ektarya sa halagang P5.00 kada ektarya. Nagtagumpay ang isang magsasaka sa Isabela sa pagtupad ng paghamon, nakapag-ani siya ng 10.55 toneladang bigas kada ektarya sa halagang P4.97 kada ektarya.
Kasunod na hakbang nito ang ipakita sa mga magsasaka kung paano nila maipatutupad ang mga pamamaraan at mga technique na ginamit sa palayan ng Isabela. Bukod sa paggamit ng high-yielding seeds, naging bahagi ng tagumpay ang mga makabagong pamamaraan sa paghahanda ng lupa, at sa paggamit ng abono at pestisidyo, sa irigasyon, sa pag-aani at iba pa.
Isang bansa tayo ng 100 milyong kumakain ng kanin na may dalawang milyong karagdagan kada taon. Kailangang paunlarin natin ang ating industriya ng bigas at lahat ng kaugnay ng agrikultura ng Pilipinas, hindi lamang para sa ating pangangailangan kundi para rin sa export. Pinakikilos ang ating Gross Domestic Product (GDP) ngayon ng services sector, sinundan ng industriya, at nasa kaawa-awang pangatlo ang agrikultura. Kung papauunlad natin ang ating industriya sa bigas upang hindi na mag-angkat pa, wala nang poproblemahin ang sambayanan sa tuwing magkakaroon ng kakapusan sa supply. Pasisiglahin din nito ang ating GDP sapagkat angkop na nakaaambag ang agrikultura sa paglago ng ating bansa.