Ni Aaron Recuenco

SAN LEONARDO, Nueva Ecija— Binuksan ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Alan LM Purisima ang pintuan ng kanyang kontrobersiyal na ariarian sa mga mamamahayag sa bayan na ito kahapon.

Sinabi ni Tito Purisima, kamag-anak ng PNP chief, na hindi maituturing na “mansiyon” ang ari-arian ng heneral dahil ang mga materyales na ginamit sa pagkukumpuni nito ay hindi mamahalin.

“Kayo na ang magsabi kung ito ay talagang isang mansiyon,” pahayag ni Tito.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Sinasabi nila na ang bahay lang ay nagkakahalaga ng P30 hanggang P50 milyon. Maikukumpara ba natin ito sa mga bahay sa Forbes Park, Dasmariñas, Urdaneta, Magallanes, Corinthian Villages at Greenmeadows?” tanong ni Tito.

Ang 4.5-ektaryang lupain na kinatitirikan ng bahay ni Purisima ay binili noong 1998 at ang istruktura ay naitayo matapos ang apat na taon. Nagsagawa rin ng renovation sa bahay noong 2012.

Mayroon ding garahe na kasya ang limang sasakyan at quarters para sa mga driver.

Sa harap ng main house, na may disenyong Amerikano, ay isang 7.5 by 15-meter swimming pool na nilulumot na dahil matagal nang hindi nagagamit.

“Ito ba ang sinasabi nilang Olympic-size pool sa media?” tanong ni Tito.

Samantala, ang guest hosue ay may apat na silid—dalawa sa ground floor at dalawa sa ikalawang palapag.

Matapos iikot ang mga mamamahayag sa bahay ng PNP chief, umapela si Tito ng patas na pag-uulat hinggil sa ari-arian ng heneral na nahaharap sa tatlong kaso ng pandarambong.