Isang tatlong linggong sanggol na babae ang nailigtas matapos maaresto ang babaeng tumangay sa kanya mula sa natutulog niyang ina sa Lawton sa Maynila, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ng mga awtoridad ang suspek na si Melanie Inocencio, 22, residente ng Caloocan City.

Dinakip si Inocencio ng mga miyembro ng Lawton Police Community Precinct, na sakop ng Manila Police District (MPD), at agad na nabawi ang sanggol.

Batay sa ulat, dakong 3:00 ng umaga kahapon nang tangayin ng suspek ang sanggol mula sa ina nitong si Diana Lim Santiago.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sinamantala umano ng suspek ang pagkakahimbing ni Santiago, katabi ang sanggol, habang nagbabantay sa tindahan ng ginang sa Baywalk sa Roxas Boulevard.

Nang magising umano si Santiago ay wala na ang kanyang anak, kaya agad siyang nagsumbong sa mga awtoridad.

Makalipas ang ilang oras ay namataan ng mga pulis ang suspek dala ang bata sa Lawton kaya agad itong inaresto. Bineberipika na ng awtoridad ang ulat na plano umano ng babae na ibenta ang sanggol sa mga sindikato, na nasa likod ng mga pulubi na gumagamit ng mga sanggol sa pagpapalimos.

Inaasahang kakasuhan ng abduction ang suspek.