MGA DUWAG ● Kinondena ng United Nations Security Council ang isang bagong video at tinawag na isang kaduwagan ang pamumugot ng isang grupo ng mga rebelde ng Islamic State sa kanilang Briton na hostage na si Alan Henning. Ayon sa balita, sinabi ng konseho ng UN, isa na naman itong pagpapakita ng pagkabrutal ng Islamic State group. Naniniwala ang UN na sa pagpapalabas ng mga video na tulad nito, hindi sila natatakot; bagkus ay lalo pang tumindi ang kanilang paghahangad na pagkampikampihin ang mga bansang apektado ng kaguluhang ito sa rehiyon ng Syria at Iraq upang sugpuin ang mga terorista. Sa isang pahayag, iginiit ng UN ang agarang pagpapalaya ang mga bihag ng ISIS at ng iba pang grupong kaugnay ng al-Qaida. Ang tugon ng UN sa naturang video, mga ilang oras matapos itong ipalabas, ay sumasalamin sa lumalagong pagkaalarma ng mga bansa sa serye ng pamumugot at sa pagkamatay ng isang humanitarian aid worker.

“This crime is a tragic reminder of the increasing dangers volunteer humanitarian personnel face every day in Syria,” anang pahayag ng UN. Kailangan nang magapi ang Islamic State group – ang kanilang hinahasik na karahasan at kawalan ng pagpapahalaga sa buhay. Kung hindi duwag ang ISIS, bakit hindi nila alisin ang kanilang maskara at ilantad nila ang kanilang mukha habang pinupugutan nila ang kanilang bihag? Matapang lamang sila dahil sa tangan nilang mga sandata at grupo sila kung umatake. Pinapatay ang mga babae at bata – mga taong walang kakayahang ipaglaban ang kanilang mga sarili. Mga duwag… Duwag!

NASAAN NA KAYA SILA? ● Sampung buwan na ang nakararaan matapos hagupitin ng bagyong Yolanda ang Tacloba City, Leyte, naiulat na may 600 katao pa rin ang hindi pa nakikita magpahanggang ngayon. Ayon sa City Social Welfare and Development, ang nasabing bilang ay ibinase sa mga pamilya na namatayan sa bawat barangay ng naturang lungsod. At ang kalahati ng bilang ng mga nawawala ay mula sa Barangay San Jose na pinakamatinding sinalanta ni Yolanda. Nahihirapan ang mga kinauukulan na malaman ang eksaktong bilang sapagkat napakaraming namatay sa kalamidad. Base sa pinakahuling tala ng CSWD, mahigit 2,350 katao ang naitalang namatay mula sa nasabing lugar. Ang kinasapitan ng mga naiulat na nawawala, tanging Diyos na lamang ang nakaaalam.
Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race