Optimistiko pa din ang Philippine Girls Under 17 Volley Team coaching staff na mahahasa nila nang husto ang pambansang koponan matapos na makalasap ng straight set na kabiguan sa Far Eastern University (FEU), 15- 25, 23-25 at 23-25, sa ginaganap na Shakey’s V-League Season 11 Foreign Reinforced Conference sa San Juan Arena.

Sinabi ni PH U17 head coach Jerry Yee na isang malaking aral ang itinuro ng nakasagupa nilang FEU Tamaraws sa kabubuo lamang na koponan na nakatakdang sumabak sa Asian Volleyball Confederation (AVC) Asian Youth Girls U-17 Championship na gaganapin sa Oktubre 11 hanggang 19 sa Nakhon Ratchasima, Thailand.

“We lost in straight sets. Medyo magulo pa sa loob. Nagkakapaan pa rin. We will do the necessary adjustments then tomorrow vs NU naman at 2:00 pm,” sinabi ni Yee na kasama sa coaching staff sina Raymond Castillo at Emilio Reyes Jr.

Makakaagaw sana ng dalawang set ang U17 Nationals sa ikalawa at ikatlong set subalit mas nanaig ang kasanayan sa laro ng mga miyembro ng FEU Tamaraws upang blangkahin ang tangka ng mga batang kalaro sa pagselyo sa panalo.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ipinaliwanag ni Yee na bagamat may respeto sa kalaban ay kailangan mismo ng mga batang miyembro na ipakita ang kakayahan nilang magwagi kontra sa mas ekspiriyensado at mas nakakaangat na kalaban.

“Kaya naman na ayusin. Kaya nga namin gustong maisabak talaga sila sa lehitimong laro para makita nila mismo ang role nila. Positive naman ako sa magagawang adjustments,” giit pa ni Yee.

Ang 14-man youth team ay binubuo nina Ezra Gyra Barroga, Rica Diolan, Justine Dorog, Christine Dianne Francisco, Ejiya Laure, Maristela Geen Layug, Kristine Magallanes, Nicole Anne Magsarile, Maria Lina Isabel Molde, Jasmine Nabor, Faith Janine Shirley Nisperos, Roselyn Rosier, Alyssa Marie Teope, at Catlin Viray.

Kabilang ang Pilipinas sa Pool C kung saan ay una nilang makakalaban ang Australia, ikalawa ang India at ikatlo ang powerhouse na China. Magkakasama sa Pool A ang host Thailand, Hong Kong at New Zealand habang nasa Pool B ang nagtatanggol na kampeong Japan, Kazakhstan at Vietnam. Nasa Group D ang Chinese Taipei, Korea at Iran.

Ang dalawang koponan na may magandang karta sa bawat pool ang uusad sa quarterfinals habang ang mapapatalsik ay maglalaro sa classification phase.

Ang mangungunang dalawang koponan, matapos ang torneo, ang magpiprisinta naman sa rehiyon ng Asya sa gaganaping World Youth Girls U-17 Championship.