Ni JUN RAMIREZ
Dapat ba’ng magbayad ng donor’s tax ang car dealer mula sa San Fernando, Pampanga na nagbenta ng napakamurang luxury vehicle kay Philippine National Police (PNP) Chief Director General Alan Purisima?
Kung ang karamihan ng mga legal at enforcement official ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang tatanungin, oo.
Ayon sa mga abogado ng kawanihan, hindi masasabing karaniwang transaksiyon lang ang nangyari dahil nagbigay ang car dealer ng napakalaking diskuwento kay Purisima, kaya maikokonsidera na itong regalo o donasyon.
Inamin ni Purisima sa pagdinig sa Senado kamakailan na nabili niya noong 2013 ang Toyota Land Cruiser Prado sa halagang P1.5 milyon lang, o 62 porsiyentong mas mababa sa aktuwal na presyo nitong P4 milyon.
Alinsunod sa Section 99 ng Tax Code, sinabi ng mga tax lawyer na dapat na obligahin ang car dealer na magbayad ng donor’s tax dahil sa malaking kaibahan sa presyo ng pagkakabenta ng sasakyan at market price ng unit, na aabot sa P2.5 milyon.
Anila, kung ang car dealer ay hindi malapit na kaanak ni Purisima, dapat na obligahin siyang magbayad ng maximum na 30 porsiyentong donor’s tax sa nadiskuwentong halaga.
Batay sa Section 99 ng Tax Code, “when the donee or beneficiary is a stranger, the tax payable by the donor shall be 30 percent of the net gifts.”