Hindi na makabibiyahe ang mga pedicab sa national road ng Caloocan City bilang hakbang ng pamahalaang lungsod laban sa pagsisikip ng trapiko sa lugar.
Inatasan ni Caloocan City Mayor Oscar Malapitan ang mga kinauukulang ahensiya na tumulong sa paghuli at pagkumpiska ng mga pedicab na magpupumilit bumiyahe sa national road ng siyudad.
Ang pagbabawal sa pedicab, na kilala rin bilang “padyak,” ay batay sa rekomendasyon ng Department of Public Safety and Traffic Management (DPSTM) na nagsabing nagpapasikip lang ang mga ito sa trapiko.
Iniulat ni Larry Castro, officer-in-charge ng Caloocan City South-DPSTM, na umabot na sa 18 pedicab ang kanilang hinatak dahil sa paglabag sa batas trapiko.
Bawal na ang mga pedicab sa EDSA, McArthur Highway, Rizal Avenue, C-3 Road, Samson Road, Mabini Street at iba pang lugar national road sa Caloocan.
Sinabi pa ni Castro na ang pa-zigzag-zigzag at pag-counter flow ng mga tricycle sa mga lansangan ay nagpapabagal sa usad ng mga sasakyan.
Subalit hindi na pinatulan ni Malapitan ang rekomendasyon na itaas ang multa sa mga pasaway na pedicab driver.
Bagamat tanggap nito na ang pedicab ay kabuhayan ng maraming maralita sa Caloocan, sinabi ni Malapitan na dapat pa ring sumunod sa batas ang mga driver nito. - Ed Mahilum