Sa hangaring pag-ibayuhin ang pangangalaga sa kalusugan ng mga pulis, tatanggap ang Philippine National Police (PNP) ng halos P50-milyong halaga ng medical at diagnostic equipment para sa PNP Hospital sa Camp Crame, mula sa isang non-government organization (NGO) sa Amerika.
Ayon kay Dr. David Lee Zarate, Asian coordinator ng World Medical Relief (WMR), ipadadala sa PNP ang kagamitang medikal sa pamamagitan ng tatlong 40-foot container at darating sa Enero o Pebrero 2015.
Ang WMR ang ikaapat na pinakamalaking NGO sa mundo at mahigit 60 taon nang nagkakawanggawa sa mahigit 100 bansa, kabilang ang Pilipinas.
“Kumukolekta ang WMR ng mga gamit-nang medical equipment mula sa mga ospital at unibersidad sa United States na ipinamamahagi sa mga ospital o mga pamahalaang lokal sa ibang bansa. Ngunit ito’y matapos matugunan ang lahat ng kinakailangan, gaya ng pag-apruba ng ahensiya, pag-endsorso ng gobyernong lokal, at ng karampatang paliwanag,” ani Zarate.
Sa kaso ng PNP, halos anim na buwan nang sinimulan ang pag-uusap at koordinasyon tungkol dito.
“Nakarating sa amin na sadyang determinado si PNP Chief Alan Purisima na iangat ang antas ng serbisyo ng PNP Hospital at personal niyang pinangasiwaan ang pag-a-apply sa aming organisasyon,” sabi ni Zarate.
Sinegundahan naman ni Senior Supt. Teresita Q. Dumlao, director ng PNP Health Service Group, ang pahayag ni Zarate at nagpasalamat sa tulong at suporta ng WMR.
“Malaki ang maitutulong ng donasyong ito upang lalo naming mapaglingkuran ang ating pulisya at ang kanilang mga pamilya. Nakabatay sa maganda nilang kalusugan ang mahusay na trabaho at paglilingkod ng ating mga pulis. At ang kontribusyong ito ng WMR ay magdudulot ng malaking pakinabang sa buong komunidad,” sabi ni Dumlao.
Sa hearing na isinagawa ng Senate Committees on Public Order and Illegal Drugs sa nakalipas na linggo, nasabi ni Senator Serge Osmeña na magbibigay ng malaking benepisyo sa PNP Hospital ang mga pribadong donasyon.