Inoobliga ang mga dayuhang nasa bansa na personal na humarap sa Bureau of Immigration (BI) para sa biometrics at sa pagpapalabas ng special security registration number (SSRN), ayon kay Commissioner Siegfred B. Mison.

Ayon sa immigration chief, ang SSRN ang alpha-numeric number na itatalaga sa bawat dayuhan na nakarehistro sa alien registration project (ARP) upang mapabilis ang mga transaksiyon nito sa BI.

Batay sa records, nasa 200,000 lang ng mahigit 1.5 milyong dayuhan sa Pilipinas ang nakapagparehistro.

Layunin ng ARP, na sinimulan noong nakaraang linggo at magtatapos sa Setyembre ng susunod na taon, na ma-update ang database ng kawanihan.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sa ilalim ng programa, ang isang dayuhan ay magkakaroon ng 90-araw na deferred administrative action upang makatupad sa mga requirement para makapanatili sa bansa.

Nagbabala rin si Mison na maaaring maaresto at maipa-deport ang mga dayuhang nakarehistro sa programa na napatunayang nilabag ang immigration laws ng bansa habang naririto.

Sinabi pa ng BI commissioner na ang mga dayuhang hindi magpaparehistro sa programa ay pagmumultahin, at nilinaw na wala ring iniaalok na immunity sa mga kasong kriminal at sibil ang nasa ARP.

Ang mga aplikasyon ay maaaring ma-download sa www.immigration.gov.ph pero dapat na personal na isusumite sa alinmang tanggapan ng BI, kasama ang mga dokumentong gaya ng pasaporte, birth certificate at expired na I-CARD.

Nasa P700 naman ang bayad sa SSRN certification para sa mga hindi dokumentado o overstaying na dayuhan.