Eksaktong 13 araw simula ngayon ay magkakasukatan na ang reinforcements, o dayuhang manlalaro, ng anim na koponang magsasagupa para sa titulo ng women’s at men’s divisions ng 2014 Philippine SuperLiga Grand Prix na magbubukas sa Oktubre 18 sa makasaysayang Araneta Coliseum.

Optimistiko si PSL President Ramon “Tatz” Suzara na lubhang maiaangat ng mga imports mula sa apat na bansa na galing din sa apat na kontinente sa mundo ang kalidad ng volleyball sa bansa base na rin sa kanilang mga talento at lawak ng karanasan sa paglalaro.

“Perennial contenders ang Russia, Japan, USA at Brazil sa World Grand Prix kaya inaasahan natin na makikita ang quality ng kanilang laro, paano sila dumiskarte sa games at mag-isip kung paano makakapuntos,” sabi ni Suzara.

Bibitbitin ng RC Cola-Air Force, na pumangalawa sa PSL All-Filipino Conference, ang kapwa mula sa Estados Unidos na sina Emily Brown at Bonita Wise.

National

Ilocos Norte, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Si Brown ay may taas na 6’2 at isang opposite spiker. Ang 28-anyos na si Brown ay naglaro sa University of Kansas at nakapaglaro na sa iba’t-ibang liga. Ang makakapareha nito na may taas na 6’0 na si Wise ay isang middle hitter at kapatid ng Barako Bull import na si Eric Wise. Ang dalawa ay anak ni dating PBA import Francois Wise. Ang 33-anyos na si Wisy ay galing sa University of Cincinnati .

Sasabak naman sa Generika na bibitbitin ang miyembro ng dating AirAsia Flying Spikers sa 2014 PSL All-Filipino Conference ang setter na si Miyo Shinohara mula Japan at opposite hitter na si Natalia Korobkova na mula naman sa Russia.

Ang 18-anyos at may taas na 5’6 na si Shinohara ang pinakabata at pinamakamaliit sa mga lalarong import kung saan makakasama nito ang 6’3 na si Korobkova na beterano sa Russian Volleyball Super League.

Papalo para sa Petron sina Erica Adachi mula sa Brazil at Alaina Bergsma mula sa US katulong ni Dindin Santiago sa asam na rin ng Blaze Spikers na mapaganda ang ikalimang puwestong pagtatapos sa nakarang PSL Grand Prix.

Bitbit ni Adachi ang pagrerepresenta sa Brazil sa junior level bago ito naglaro ng collegiate volleyball sa Fresno Pacific University sa USA habang si Bergsma ay tinanghal na AVCA National Player of the Year at Pac-12 Player of the Year noong 2012.

Naging parte ito sa US national team pool noong 2013 at naglaro sa Brazilian Volleyball Super League ng magtapos sa kolehiyo. Maliban sa 6’3 opposite hitter ay tinanghal din itong Miss Photogenic sa 2012 Miss USA pageant.

Hindi naman magkapatid ang import ng Cignal HD bagaman parehas ng apelyido na sina Elena at Irina Tarasovana, aasahan ng HD Spikers ni coach Sammy Acaylar upang makabangon sa masaklap na huling puwestong pagtatapos at tuluyang masungkit ang pinakaaasam na korona.

Ang 6’1 na si Elena ay middle blocker habang si Irina ay may taas na 6’4 at isang opposite hitter at kapwa beterano sa mga liga sa Russia.

Magbabalik naman para sa bagong saling koponan na Puregold si Kaylee Manns at ang baguhang si Kristy Jaeckel. Si Manns ay huling naglaro sa PLDT at magbabalik para sa pinakabagong koponan sa liga sa hangad nitong iakyat ang ikatlong puwestong pagtatapos noong nakaraang taon.

Ang 6’2 at opposite hitter na si Jaeckel ay nakapaglaro naman sa France at Puerto Rico.

Nakatakda naman maglaro sa isa pang baguhang koponan ang dalawang 6’0 na kapwa beterano sa Europa na sina Lindsay Stalzer at Sarah Ammerman. Dapat sanang maglalaro para sa PLDT ang dalawa subalit biglang umayaw ang Home TVolution.

Kaya ni Stalzer na magampanan ang iba’t ibang puwesto sa loob ng court kung saan mahusay itong wing attacker at hawak ang iba’t ibnag record sa Bradley University habang si Ammerman ay kabilang sa NCAA Division 1 champion.