Halos isang taon nang nakapiit ngayon, hiniling ni dating Philippine National Police (PNP) chief Avelino Razon sa Sandiganbayan na payagan siyang makapagpiyansa.

Sa isang memorandum na isinumite sa Sandiganbayan Fourth Division, iginiit ng mga abogado ni Razon na hindi sapat ang ebidensiya na iniharap ng prosekusyon kaya dapat payagang magpiyansa ang dating heneral.

Nahaharap sa kasong two counts of malversation sa maanomalyang pagkukumpuni ng mga police armed vehicle noong 2007 sa halagang P385.48 milyon, nakadetine si Razon sa PNP Custodial Center sa Camp Crame, Quezon City simula pa noong Agosto 2013.

Iginiit ng mga abogado ni Razon na hindi pa ito naluluklok bilang PNP chief nang simulan ang proyekto at hindi rin ito miyembro ng Bids and Awards Committee (BAC) nang ipagkaloob ang kontrata ng proyekto.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Inihayag din ng depensa na ang proyekto ay inaprubahan ng National Police Commission (Napolcom) nang ipalabas nito ang isang resolusyon noong Hunyo 14, 2007 na nag-aatas sa PNP Directorate for Logistics na bawiin ang lahat ng V-150 armored fighting vehicle na ipinamahagi sa mga Regional Mobile Group (RMG) at Special Action Force (SAF) upang sumailalim sa worthiness assessment at rehabilitasyon.

At dahil si retired Director General Oscar Calderon ang PNP chief nang mga panahong iyon, ipinaliwanag ng mga abogado ni Razon na ang Special Allotment Release Order (SARO) at Notice of Cash Allocation (NCA) na ipinalabas ng Department of Budget and Management (DBM) ay nakatuon kay Calderon.

Bukod pa sa pagiging hindi miyembro ng BAC, sinabi ng depensa na si Razon ang responsable sa pag-iinspeksiyon at pagtanggap ng mga armored fighting vehicle base sa mga purchase order at work order.

Iginiit din ng mga abogado ni Razon na bilang PNP chief, si Razon ang huling pumipirma sa ‘santambak na purchase order, work order at disbursement voucher at ito ay umaasa lang sa kanyang mga tauhan upang kilatisin ang mga dokumento. - Aaron Recuenco