Umatake patungong basket si Joel Betayne ng National University kontra Anthony Hargrove ng Far Eastern University sa kapirasong aksiyon na ito sa Game 1 ng kanilang best-of-three finals series sa UAAP men’s basketball tournament. Target ng Bulldogs na maitabla sa 1-1 ang serye sa kanilang muling paghaharap sa Miyerkules, Oktubre 8. Bob Dungo, Jr.

Sa dami ng kanilang pinagdaanang hirap bago nila narating ang finals, walang dahilan ang National University upang agad sumuko matapos mabigo sa Game One ng kanilang best-of-3 finals series ng Far Eastern University para sa UAAP Season 77 men’s basketball tournament.

Ayon kay NU Bulldogs coach Eric Altamirano, hindi pa tapos ang giyera kasunod ng natamo nilang 70-75 na pagkabigo sa Game One sa kamay ng Tamaraws sa MOA Arena sa Pasay City noong Sabado.

“We’ve lost the battle, but not the war,” pahayag ni Altmirano sa post game interview. “They have to beat us twice. Importante is we have to come back strong.”

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Ang ipinag-aalala lamang ni Altamirano ay ang pagkahirati ng kanyang mga manlalaro sa naturang sitwasyon na posibleng magpabalewala ng lahat sa kanilang mga pinaghirapan para tapusin ang ilang dekadang paghihitay ng NU na makatikim ng titulo.

“Sana naman ‘wag (sila maging comfortable), but we have no choice,” ayon kay Altamirano na tinutukoy ang ikaapat na sunod na pagkakataon ngayong season na sasalang sila sa do-or-die game sa loob lamang ng limang laban.

“We’re put in this situation and the most important thing is we give it our best,” aniya.

Ang nasabing pagkabigo ang ikatlong sunod na ng Bulldogs sa Tamaraws ngayong taon kasunod ng nauna nilang dalawang talo sa eliminations.

“But we’re not thinking about it. I’m sure we can be able to make a difference next game,” ang optimistikong pahayag ng NU mentor.

Matapos makatikim ng kanilang unang laban sa finals, inaasahan ni Altamirano na makakapag-adjust na ang kanyang mga manlalaro at hindi na gaanong mangangapa sa sitwasyon sa susunod nilang laban.