Ni MITCH ARCEO

Ang malakas na ulan at matinding baha, kawalan ng disiplina ng mga driver at ‘santambak na sasakyan ang dahilan ng matinding trapiko sa Metro Manila, ayon sa isang opisyal ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Inisa-isa ni MMDA Traffic Discipline Office Head Crisanto Saruca ang mga dahilan ng pagsisikip ng trapiko sa Metro Manila. Una, aniya, ay hindi sapat ang kalsada sa napakaraming pampubliko at pribadong sasakyan na labas-pasok sa National Capital Region.

Aniya, napakaraming bus na bumibiyahe pero ang ilan sa mga ito ay hindi naman puno ng pasahero.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Tinukoy din ni Saruca ang kawalan ng disiplina ng mga driver sa pagsisikip ng trapiko. “Some bus and jeepney drivers take too long in loading passengers, while some taxi drivers and private motorists disregard rules by swerving,” ani Saruca.

At sa nakalipas na mga linggo ay higit pang lumala ang traffic sa madalas na ulan na nagdudulot ng malawakang baha sa Metro Manila. Barado ang mga kanal kaya mabilis tumaas ang baha, na matagal namang humupa.

“There is a possibility that some people intentionally clog the gutters. When there is flood, pedicab drivers can accommodate more passengers. Some people put hollow blocks or wood so the public can cross the streets in exchange of money,” pagbubunyag pa ni Saruca.

Kaugnay ng madalas na pag-uulan, ipinag-utos ng MMDA sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na pansamantalang suspendihin ang pagkukumpuni ng mga kalsada at road re-blocking sa Quezon City, Mandaluyong at Pasig dahil nasasayang lang ang semento sa mga pagawain kung tag-ulan.

Samantala, umapela naman sa gobyerno si Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Public Affairs (ECPA-CBCP), na huwag ipagwalang-bahala ang araw-araw nang pinoproblemang trapiko sa Metro Manila, partikular ngayong madalas umulan.

“Ito ay nagre-reflect sa leadership ng ating pamahalaan, itong kanilang palaging kapag may problema hindi tinutugunan at nagbibigay lang ng sisi sa iba at walang ginagawa o plano,” sinabi ni Pabillo sa panayam ng Radio Veritas.