Ni NONOY E. LACSON
ZAMBOANGA CITY – May 30,000 manggagawa sa isang pabrika ng sardinas sa lungsod na ito ang mawawalan ng trabaho bago matapos ang taong ito hanggang sa Marso ng susunod na taon bunsod ng pagbabawal ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa pangingisda ng tamban sa Sulu Sea.
Layunin ng ban na paramihin ang tamban sa Sulu Sea mula Nobyembre hanggang Marso.
Sinabi ni BFAR Director Atty. Asis J. Perez na nagpaparami ang mga tamban mula Nobyembre hanggang Marso.
“Normally, ang panahon ng pagpaparami ay mula Disyembre hanggang Marso at aabot ito mula sa Zamboanga del Norte hanggang sa Tawi-Tawi o sa buong Sulu Sea,” ani Perez.
Nakipagpulong kamakailan si Perez sa mga miyembro ng National Fisheries Regional Council sa lungsod na ito at tinalakay ang mga detalye sa fishing ban sa buong panahon ng pagpaparami ng tamban—na karaniwang ginagawang sardinas.
Ayon kay BFAR Region 9 Officer-in-Charge Pedling S. Munap, napagkasunduan sa pulong na simulan ang close sardine season sa Nobyembre 15 hanggang sa Marso o may kabuuang tatlong buwan.
Nasa 12 kumpanya ng sardinas sa lungsod na ito ang maaapektuhan sa fishing ban, ayon sa BFAR-9.
Nilinaw naman niyang pinahihintulutan pa rin ang maliliit na mangingisda na manghuli ng tamban.
Inatasan ang Philippine Navy, Philippine Coast Guard at Maritime Police na ipatupad ang fishing ban, at paiigtingin ng mga ito ang pagpapatrulya sa Sulu Sea.
“Pinag-aaralan din naming ang scientific correlations ng ban sa 10 porsiyentong pagtaas sa lokal na huli ng tuna,” sabi ni Perez.
Nagpo-produce ang Pilipinas ng umaabot sa 400,000 metriko tonelada ng sardinas at iba pang isdang gaya nito kada taon, at karamihan sa mga ito ay dumidiretso sa mga pabrika ng sardinas.
Labing-isa sa 12 planta ng sardinas sa bansa ay matatagpuan sa Zamboanga peninsula, na kabilang sa pinakamalalaking concentration ng sardinas sa bansa, bukod pa sa Sulu Sea at Basilan Strait. Sa nasabing mga lugar din nagpaparami ang yellow fin tuna at iba pang isda na gaya nito.