ANG Oktubre 5 ay World Teachers’ Day. Binibigyang-pugay nito ang mga guro dahil sa mahalagang kontribusyon ng mga ito sa pagkakaloob ng de-kalidad na edukasyon sa lahat ng antas at pagtulong sa paghubog sa pagpapabuti ng pandaigdigang lipunan. Sa mahigit 100 bansa, iba’t ibang aktibidad ang ginagawa upang kilalanin ang mga pagsisikap ng mga guro na makatupad sa mga pangangailangan ng lipunan na mas nagiging komplikado, multicultural at mas bukas sa teknolohiya. Sa araw na ito, ipamamalas ng mga magulang, estudyante at mga kasapi ng komunidad ang kanilang pasasalamat sa mga kontribusyon ng mga guro sa kani-kanilang buhay.
Ang tema ng selebrasyon ngayong taon ay “Invest in the future, Invest in Teachers.” Ang 17th UNESCO-APEID (Asia-Pacific Programme of Education Innovation for Development) International Conference ay idaraos sa Oktubre 29-31 sa Bangkok, Thailand. Dadaluhan ito ng mga tagapagsalita mula sa sektor ng edukasyon sa iba’t ibang bansa, kabilang na si Department of Education (DepEd) Secretary Br. Armin A. Luistro, FSC. Tatalakayin dito ang mga makabagong approach, mga proyekto at mga hakbangin na maghahanda sa mga guro sa kanilang propesyon at papaghusayin pa ang kanilang pagtuturo.
Oktubre 5, 1994 nang unang ipagdiwang ng UNESCO ang Worlds Teachers’ Day. Ginunita rin sa araw na ito ang pagpapatibay noong 1996 ng UNESCO/International Labour Organization Recommendation Concerning the Status of Teachers, na nagtakda sa mga karapatan at mga responsibilidad ng mga guro, at ang pandaigdigang panuntunan sa pauna nilang mga paghahanda at patuloy na edukasyon, recruitment, employment, pagtuturo at kondisyon sa pagkatuto. Patuloy na nililikha ng UNESCO ang mga pandaigdigang pamantayan sa pagtuturo.
Ipinagdiriwang ng Pilipinas ang National Teachers’ Month sa bisa ng Proclamation No. 242 na inilabas noong Agosto 24, 2011, sisimulan ng Setyembre 5 at magtatapos sa World Teachers’ Day sa Oktubre 5. Sa pangunguna ng DepEd, bahagi ng selebrasyon ang libreng serbisyong pangkalusugan sa mga guro sa mga pampublikong paaralan, paghahandog ng mga parangal, mga book fair, mga fun run, mga cultural show, mga singing tilt, pagtatanim ng mga puno, mga photo exhibit, mga programang pang-sining, paglilibot sa mga museo at mga komperensiya.