WALA akong magawa isang araw na holiday kaya naisipan kong manood na lamang ng kung anu-ano lang sa YouTube.com. Pagbukas ko ng popular na website na iyon, pinili ko ang pakikipagbakbakan ni Manny Pacquiao sa ilang Mexican boxers. Kapansin-pansin na bago siya makipaglaban, kagyat siyang nananalangin at ganoon din ang kanyang ginagawa kapag napatumba na niya ang kanyang mga kalaban.

Naalala ko noon ang kontrobersiya sa korporasyon na aking pinaglilingkuran hinggil sa professional sports na ang mga manlalaro ay halos maglulumuhod at nananalangin sa Diyos pagkatapos ng matagumpay na pakikipagtunggali ng kanilang koponan doon mismo sa pinaglabanan, sa harap ng mga naghihiyawang manonood. May ilan sa aking mga kasama ang hindi aprubado sa ganoong gawi.

Mayroon ngang nagkomento na hindi dapat ginagawa ang anumang rituwal ng kahit na anong relihiyon doon mismo sa lugar ng sports— boxing ring, basketball court, tennis court, at iba pa. Anila, ang anumang bagay na iniuukol sa Diyos ay sa loob ng simbahan na lamang gawin. May nagsabi rin na hindi basta kung saan-saan na lang ang pananalangin sa Diyos.

Bilang mga Kristiyano, maaaring tutulan natin ang ganitong uri ng pagiisip; ngunit minsan nagbibigay din tayo ng impresyon sa ganoon din ang ating paniniwala. Inilalaan natin ang Linggo upang magsimba at magbigay ng papuri sa Diyos ngunit kumikilos naman tayo na parang tayo na ang bahala kung ano ang nais nating gawin mula Lunes hanggang Sabado. At pagkatapos, magbabanal-banalan uli tayo pagsapit ng Linggo.

'Definitely!' Sen. Robin, bobotong 'No' sa impeachment ni VP Sara

Para sa mananampalataya, ang mamuhay sa liwanag ng Diyos ay beinte-kuwatro oras isang araw, pitong araw sa isang linggo na commitment. Basahin natin sa Mabuting Aklat ang pangaral ni San Pablo nang talakayin niya ang pamumuhay bilang “mga anak ng liwanag”. Hindi niya tinutukoy ang ating gawi sa loob ng simbahan tuwing Linggo. Kung puno tayo ng Espiritu Santo, maipamamalas natin ang ating pagkamaawain, kabutihan, kababaang-loob, pagiging mapagpatawad, pagpapasalamat, at pag-ibig sa lahat ng oras, sa lahat ng araw.

Ang pagiging Kristiyano ay hindi lamang tuwing Linggo. Ito ay pangaraw-araw na pamumuhay—kahit sa ibabaw ng lona.