NANGAGTIPON ngayon ang mga obispo mula sa iba’t ibang panig ng bansa, kabilang sina Archbishop of Manila Luis Antonio Cardinal Tagle at Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas, pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), sa Vatican City para sa III Extraordinary General Assembly ng Synod of Bishops on the Family.
Ang asembliya, na nagsimula noong Biyernes at magtatapos sa Martes, ay ipinatawag ni Pope Francis upang tipunin ang mga karanasan, pahayag at panukala ng mga obispo, gayundin ang impormasyon at mga rekomendasyon mula sa mga partikular na simbahan at iba pang grupo tungkol sa iba’t ibang usapin at suliraning nakaaapekto sa pamilya ngayon.
Ang interes sa synod ay nagsimula sa nakalipas na mga buwan nang magsalita si Pope Francis tungkol sa mga usaping gaya ng celibacy ng mga pari, pagpapakasal at diborsiyo. Nanguna sa pagkakasal sa Vatican ng 20 pareha na matagal nang nagsasama, sinabi niyang hindi dapat na kondenahin ng Simbahan ang mga nabigong pagsasama.
Sa bisperas ng konseho, isang grupo ng mga konserbatibong Kristiyano ang lumiham sa Papa at hinimok siyang isulong ang tradisyunal na pag-aasawa. Hinikayat nila ang Simbahan na tutulan ang mga batas na nagbabago sa orihinal na konsepto ng kasal, gaya ng pag-aasawa ng magkakapareho ang kasarian at ang pagpapadali sa diborsiyo.
Sa mismong mga cardinal ay nagkaroon ng mga pagtatalo sa kasal at diborsiyo, nang hinimok ni German Cardinal Walter Kasper, na sinasabing malapit kay Pope Francis, ang Simbahan na humanap ng paraan upang mapahintulutang tumanggap ng komunyon ang mga nadiborsiyo na muling nagpakasal. Sa kabilang panig ay nanindigan naman ang mga traditionalist laban sa diborsiyo at sa pagbibigay ng komunyon sa mga Katolikong muling nag-asawa.
Ang III Extraordinary General Assembly sa Oktubre 5-9, 2014, ay tatalakay at susuri sa impormasyon at mga opinyon at pagkakaiba-iba ng pamilya na inilahad sa mga session. At sa Oktubre 4-25, 2015, matapos ang isang buong taon ng masusing pag-aaral at pagmumunimuni, muling magpupulong ang XIV Ordinary General Assembly ng Synod of Bishops on the Family para bumuo ng mga pastoral guideline kaugnay ng mga suliraning ito.
Bagamat hindi masyadong nababagabag ang 80 milyong Katoliko sa Pilipinas, kumpara sa ibang bansa gaya ng Amerika, sa mga usaping gaya ng diborsiyo at pagpapakasal ng may magkaparehong kasarian, kaisa naman sila ng 1.3 bilyong Katoliko sa mundo na nananalanging kasama ni Pope Francis para sa Synod: “Holy Family of Nazareth, may the approaching Synod of Bishops make us once more mindful of the sacredness and inviolability of the family and its beauty in God’s plan.”