Ni Aaron Recuenco
Ipinag-utos ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas sa Philippine National Police (PNP) na gamitin ang social media sa paguulat at pagresolba ng krimen.
“We need to capitalize on the big interest of the Filipinos in the social media on the aspect of anticrime measures,” pahayag ni Roxas.
Ginamit na ehemplo ni Roxas ang isang kaso ng “hulidap” sa EDSA, na kinasangkutan ng isang grupo ng pulis, na naresolba matapos i-upload ng isang netizen ang larawan ng insidente sa Twitter.
Bukod sa crime reporting, iginiit din ni Roxas na may mga insidente na nai-tweet ng mga netizen ang iba’t ibang impormasyon at larawan ng pang-aabuso ng mga pulis.
Ayon sa isang survey, ang Pilipinas ay idineklara bilang panglimang sa pinakamadalas gumamit ng Facebook sa buong mundo.
Dahil sa mga modernong smart phone, madaling nakaka-access ang mga netizen sa social media, tulad ng Facebook, Twitter at Instagram at maaaring gamitin ang mga ito sa pagsugpo sa krimen.
Una nang ipinagbawal ng kalihim ang pagpapaskil ng mga vanity poster sa loob ng kampo ng pulisya, na ibinabandera ang larawan ng mga opisyal ng pulisya sa gate ng kampo.
“I will leave it up to the PNP to craft ways on the use of social media,” giit ni Roxas.