Bagamat may natitira pang isang laban, tiyak na tatapos sa ikalima ang San Sebastian College (SSC) sa NCAA Season 90 basketball tournament sa juniors division matapos na gapiin ang University of Perpetual Help kahapon sa kanilang penultimate assignment sa second round, 85-68, sa FilOil Flying V sa San Juan City.

Buhat sa limang puntos na bentahe sa halftime, 39-34, rumatsada ang Staglets sa third quarter at ipinoste ang double digit na kalamangan, 66-52, papasok sa final quarter.

Nagtala ng pinagsanib na 13 puntos sina Jasper Magno at Regille Ilagan upang pangunahan ang nasabing pag-alagwa ng Staglets sa third quarter.

Kasunod nito, nagawa nilang protektahan ang kalamangan sa final canto sa pamamagitan ng balanseng opensa na pinamunuan ni Enrico Ong.

'Definitely!' Sen. Robin, bobotong 'No' sa impeachment ni VP Sara

Dahil sa panalo, umangat ang Staglets sa kartadang 10-7 (panalo-talo) habang natamo naman ng Altalettes, na pinamunuan ni Raphael Chavez na tumapos na may game high 23 puntos, ang kanilang ika-15 pagkatalo kontra sa tatlong panalo.

Sa puntong ito, kumpleto na ang Final Four casts ng juniors divison na kinabibilangan ng defending champion San Beda College (SBC) at Mapua na tabla sa liderato na hawak ang barahang 14-3, kasunod ang Letran Squires na may record na 12-5 at pinakahuli ang CSB-La Salle Greenhills na may kartadang 10-6.