Ni KRIS BAYOS

Maipatutupad na ang pinangangambahan ng marami at matagal nang naipagpapaliban na taas-pasahe sa mga tren sa Metro Manila bago pa pangasiwaan ng pribadong concessionaire ang Light Rail Transit (LRT) Line 1 sa susunod na taon.

Kinumpirma ng mga opisyal ng gobyerno na sisingilin ang mga pasahero batay sa P11 minimum na pasahe at karagdagang P1 kada kilometro (P11+1) na formula sa panahong Light Rail Manila Consortium (LRMC) na ang nangangasiwa sa operasyon at pagmamantine ng LRT 1, 12 buwan mula ngayon.

Kasunod ng paglagda noong Oktubre 2 sa concession agreement para sa P64.9-bilyon na LRT 1 Cavite Extension Project, kinumpirma ni Department of Transportation and Communications (DoTC) spokesperson Atty. Michael Sagcal na hindi na maiiwasan ang pagpapatupad ng taaspasahe sa tren.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“The proposed P11+1 fare increase could be implemented anytime, it has been pending since 2011,” ani Sagcal.

Sinabi naman ni LRT Authority Administrator Honorito Chaneco na gobyerno ang malulugi kung hindi maipatutupad ang P11+1 fare matrix sa panahong pribadong concessionaire na ang nangangasiwa sa pasilidad at sinimulan na ang konstruksiyon ng LRT 1 extension hanggang sa Bacoor, Cavite.

Sinabi pa ni Chaneco na batay sa nilagdaang concession agreement sa LRMC, may karapatan ang huli na magtaas ng limang porsiyento sa pasahe taun-taon.

“There will be 5 percent fare increase every year but implementation will be done every two years. It is meant to cover the inflationary increases,” sabi ni Chaneco.

Samantala, iginiit naman ng National Center for Commuter Safety and Protection (NCCSP) na “not fair” ang pagtataas ng pasahe sa LRT 1 dahil hindi naman pinaganda ang mga pasilidad at serbisyo nito.

Bumibiyahe mula Baclaran sa Pasay City hanggang sa Roosevelt sa Quezon City, nasa 500,000 ang sumasakay sa LRT 1 araw-araw. Pero sa pagpapahaba ng biyahe nito hanggang sa Bacoor ay inaasahang aabot sa 800,000 ang magiging pasahero ng LRT 1.