ANG ika-5 ng Oktubre ay World Teachers’ Day. Pinahahalagahan natin ang ating mga guro na pinatingkad pa ng Presidential Proclamation No. 242 na nilagdaan noong Agosto 24, 2011. Batay sa proklamasyon, ipinahayag na mula ika-5 ng Setyembre hanggang ika-5 ng Oktubre taun-taon ay National Teachers’ Month.

Nitong mga huling araw, nagkaroon ng mga programang alay sa mga guro. Maraming magaaral ang nagbigay ng roses and chocolates sa kanilang mga guro bilang simbolo ng pagmamahal at pasasalamat sapagkat tinutupad nila araw-araw ang tumayong pangalawang magulang ng mga batang mag-aaral. At ngayong Oktubre 5 ay Teachers’ Sunday batay sa pahayag ni Archbishop Socrates Villegas, Pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP). Hiniling sa mga pari sa parokya na magkaroon ng isang espesyal na panalangin na alay sa mga guro.

Walang yumayaman sa pagtuturo. Ang itinuturing na yaman ng mga guro ay mabatid na ang kanyang mga naging estudyante ay nagtagumpay sa pag-aaral at sa kanilang propesyon. Karanasan iyan ng inyong kolumnista sa pagtuturo ko ng dalawang dekada sa isang exclusive school sa Mandaluyong City. Narito ang ilang saknong ng tula ko’ng may pamagat na “Ang Mutya Kong Guro”. Alay ko ito sa lahat ng guro: “Gabay ng talino’t tanglaw sa karimlan/ ng mura kong isip sa batis ng buhay./ Bukal ka ng dunong nitong kamusmusan,/ at ng aking diwang sa aral mo’y uhaw./ Sa pikit na muni’y ikaw ang nagmulat,/ upang iwaksi ko ang diwang halaghag./ Binhing karunungan ay pinamukadkad,/ sa ubod ng aking pusong busilak-matapat./ Ikaw ang pumanday at siyang nagwasto,/ ng maling ugali at asal kong liko,/ Nagbigay ng ilaw sa isipang dungo,/ Nang sa kinabukasan ay hindi mabigo./ Magulang ko ikaw sa silid ng dunong,/ loob mo’y busilak, puso’y mahinahon;/ Tagapag-ingat ka sa habang panahon,/ ng mabuting bunga at dakilang layon.

Nakalulungkot nga lamang na sa Pilipinas, ang mga guro ay ang sektor pa rin ng lipunan na kulang sa pagtangkilik ng pamahalaan sa kabila ng marami nilang trabaho sa paaralan, mababa pa rin ang suweldo kung ikukumpara sa ibang empleyado na gobyerno.
National

Amihan, ITCZ, magpapaulan sa malaking bahagi ng bansa – PAGASA