TUGUEGARAO CITY, Cagayan – May 39 na freshwater fish at shellfish species sa mga ilog sa Northern Luzon ang natukoy na endangered o malapit nang maglaho, ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

Ito ang resulta ng inventory ng mga freshwater fish at shellfish species na pinangunahan ni BFAR Executive Director Asis G. Perez sa lugar sa layuning mapangalagaan ang mga ito.

Bukod sa Ludong, o ang pinakamamahaling isda sa bansa na matatagpuan sa Northern Luzon, endangered na rin ang mga endemic sa lugar na hito, dalag, gurami, trumpet snail o agurong, at maraming iba pa.

Sinabi kahapon ni BFAR Region 2 Director Jovita Ayson na sinimulan na nila ang inisyatibo upang matiyak na mananatili at dadami pa ang mga nabanggit na indigenous fish/shellfish species na endemic sa mga ilog sa Cagayan Valley at Ilocos regions, dahil kakaunti na lang ang mga ito.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“We already crafted our longterm conservation plan to prevent the total extinction of these species in their natural habitat,” ani Ayson.

Bilang pauna, aniya, pinaigting ng BFAR ang kampanya sa pagbabawal sa paggamit ng pampasabog sa pangingisda at sa electro-fishing gadgets sa mga ilog sa dulo ng Northern Luzon upang maproteksiyunan at mapangalagaan ang nasabing mga isda.

Sinabi pa niya na simula nitong Oktubre 1 ay ipinatupad ng BFAR ang 45-araw na pagbabawal sa paghahango ng isdang Ludong upang maparami pa ito.

Tatagal ang fishing ban hanggang sa Nobyembre 15, 2014.

Ang mga lalabag ay makukulong ng anim na buwan hanggang isang taon at maaari ring pagmultahin ng P6,000 at kumpiskahin ang mga huli at gamit sa pangingisda.