Pabor ang Malacañang sa pagbibigay ng karagdagang seguridad kay Commission on Audit (CoA) Commissioner Heidi Mendoza.

“We have no objection,” pahayag ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte.

Ito ay matapos ihayag ni Mendoza sa pagdinig noong Huwebes ng sub-committee ng Senate Blue Ribbon Committee sa umano’y maanomalyang proyekto sa Makati City noong termino bilang punong bayan ni Vice President Jejomar Binay at ng iba pang miyembro ng pamilya nito, na ilang beses tinangkang pasukin ang kanyang bahay ng hindi pa kilalang grupo.

Ayon pa kay Mendoza, natunugan din niya sa ilang pagkakataon na may mga grupong naniniktik sa kanya matapos niyang ibulgar ang mga kontrobersiya sa mga proyekto ng Makati City, kabilang ang overpricing sa Makati City Building 2 at Ospital ng Makati (OsMak).

Libreng toll fee sa NLEX,SCTEX at iba pang expressway, ipatutupad sa Pasko at Bagong Taon

“I understand that Senator Miriam Defensor-Santiago has written to the Secretary of Interior and Local Government (Mar Roxas) for additional protection for Commissioner Mendoza. Wala naman po tayong objection dito,” dagdag ng opisyal.

Ayon pa kay Valte, si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas ang magsasagawa ng security assessment kay Mendoza upang agad na matugunan ang pangangailangang pang-seguridad ng CoA commissioner.

Sinabi ni Santiago na maghahain sa resolusyon na magbibigay ng 24/7 security detail kay Mendoza upang matiyak ang seguridad nito sa gitna ng mga banta na natatanggap nito sa nakalipas na mga araw.