NABANGGIT ni Dennis Trillo sa presscon ng The Janitor na noong bata pa siya ay pinanonood na niya si Richard Gomez na kasama niya ngayon sa naturang pelikula at talagang super fan siya ng aktor. Sa katunayan, napanood niya ang lahat ng pelikula ng tinaguriang Brown Adonis ng showbiz.
Natawa kami sa nasambit ni Dennis na talagang natulala siya nang makita niya noon na rumampa si Goma sa mga naunang Bench fashion show, iba nga raw pala talaga ang karisma ng morenong aktor.
Naalala namin ang kuwento ni Dennis dahil magkabaligtad sila ni John Lloyd Cruz na bata pa lang ay nakakasama na si Richard sa Palibhasa Lalaki.
“Sorry kay Dennis, pero suwerte ako, kasi bata pa lang ako, nakatrabaho ko na si Goma,” say ni Lloydie sa presscon naman ng The Trial na kasama rin si Richard. “So, hayun, napakasuwerte ko na nakaabot pa ako sa generation ng mga talagang tinitingalang artista noong generation na ‘yun.
“Sila talaga ‘yung mga classic, mali ‘yung classic, ‘no!” natawang sabi ng aktor, sabay paliwanag. “Ang ibig kong sabihin, napakasuwerte ko na inabot ko pa ang mga artistang katulad nila.
“With the likes of, hindi sila Kuya Goma, hindi mo ka-batch ‘to, pero naabutan ko pa sila Tatay Johnny (Delgado). Napakasuwerte ko na naabutan ko pa ang katulad nila. Unfortunately, ‘yung mga director na gusto kong makatrabaho, hindi na siguro posible ngayon.”
Si Chito Roño ang direktor nila sa The Trial na ayon sa aktor ay, “Ibang-iba talaga. I’m sure, masasabi n’yo ang pagkakaiba ng style ni Direk Chito mula kina Inang (Olive Lamasan), Direk Cathy (Garcia-Molina), ‘yung mga iba ko pang director na nakakatrabaho.
“Natutuwa ako kasi nakaranas ako ng ibang experience. Kasi, ‘yun naman ang palagi kong hinahangad, parang iba naman. Kasi the moment na maging complacent ka, ‘yun na ang dulo mo.
“Si Direk Chito, ibang-iba siyang director. I wouldn’t say he’s an actor’s director, di ba? Pero alam niya ang gusto niya at importante na alam mo ang pinupuntahan ng ginagawa n’yo.
“And ibig sabihin nu’n, ibang klaseng proseso ang madi-discover mo sa sarili mo na, ‘Puwede pala ‘to? Kaya ko pala ‘to?’” paliwanag ni John Lloyd.
Marami ang nagtaka kung bakit ibang genre ang napiling gawing pelikula ngayon ni Lloydie, hindi tulad ng mga ginagawa niyang romantic-comedy. Heavy drama kasi ang The Trial at unang pagganap niya bilang special child.
“Nakakagawa rin tayo ng mga pelikula, like Dubai (2005), In My Life (2009), The Mistress (2012), natutuwa ako sa Star Cinema, sa kanilang pag-aalaga sa filmography ko, natutuwa ako na every once in a while, may sumusulpot na ganitong pagkakataon.
“In effect, parang it keeps you hungry, kasi we want to be able to deliver something new all the time. So, kung pare-pareho ‘yung gagawin mo, but I’m not saying kung pare-pareho ‘yung ginawa kong rom-com.
“Actually, ang challenge din du’n, kung paano mo pag-iiba-ibahin dahil ilang babae na rin ang sinabihan ko na mahal ko sila, so ‘yun talaga ang mahirap. ‘Yung tinatawag nilang look of love, kung paano mo pag-iibaibahin.
“I’m very happy that with opportunity like this one, nagsi-circuit pa rin, lumalabas pa rin. So, hayun, I’m very happy sa kinalabasan and I’m very excited na makita siya, kasi hindi ko pa siya napapanood.”
Paano niya iniba ang acting niya kumpara kay Gerald Anderson na gumanap na bilang Budoy sa telebisyon at kay Piolo Pascual sa pelikulang 24/7 In Love.
“Napanood ko ang mga ‘yun, isa du’n (24/7 In Love), naging parte ako. Pero alam mo, sa pag-iingat mo, kailangan mong iwasan ang mga ganyan. Ayaw mong ma-corrupt ang focus mo. Ayaw mong ma-corrupt ‘yung ini-invest mo na oras, na research at pagbibigay ng oras at pagkatao du’n sa character. Ayaw mong mabahiran ng pagkatao ng iba o ng character ng iba. I think I made a conscious effort na huwag makita,” pahayag ni JLC.
Ano ang biggest trial na napagdaanan niya sa buhay?
“During my early years in the business. Naranasan ko ‘yung apat na shows, sabay-sabay. Sabay-sabay rin ‘yung apat, nawala. At that time, talagang sabi ko, ‘Tama ba ‘to?’ Talagang ginive-up ko ang pag-aaral ko.
“At that time, talagang ang artista noon, baduy, unlike ngayon. Noon, ‘Ang baduy mo, pinsan!’ Talagang ‘yung pinagdaanan ko noon, matinding trials ‘yun. Lahat nawala. Hindi mo alam kung saan papunta ‘yung pinasok mo. But I’m glad na nag-stay ako and I’m here,” napangiting kuwento ng aktor.