DANIEL Caluag

INCHEON– Maaalala ang 2014 Asian Games hindi lamang sa naging tagumpay ni Daniel Patrick Caluag sa BMX cycling event o ang pagkabigo ng Filipino boxers na makasungkit ng gold medal.

Ngunit ang imahe na patuloy na isinasaisip ng bawat isa ay ang kontrobersiyal na basket ni Marcus Douthit sa ilalim mismo ng goal ng Kazahkstan sa men’s basketball.

Nagkaroon ito ng epekto at desperasyon sa bansa na ang hangad ay maipanalo ang laro sa anumang paraan.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sa mga nakalipas na taon, tinutukan ng sports officials na makahanap sa buong mundo ng mga talento na may lahing Filipino na ang target ay lalo pang mapalakas ang tsansa ng Pilipinas sa international competitions.

Si Caluag, ipinanganak na may Filipino parents sa United States, ay isa lamang sa mga tinutukoy.

Sumasabak sa elite races sa United States, naipagkaloob ni Caluag ang natatanging gintong medalya ng Pilipinas. Nilisan niya ang Asian Games isang araw matapos ang kanyang pagkakapanalo upang tanggapin ang kanyang P1.6 million na halaga ng tseke sa bansa at pagkatapos ay sumakay ng eroplano ilang oras lamang ang nakalipas patungo sa Southern California.

Ipinagkaloob ng Philippine Sports Commission (PSC) kay Caluag ang P1 million, iniambag ni sports philanthropist Manny V. Pangilinan ang P500,000 at binigyan siya ng insentibo ng cycling backer na LBC ng P100,000.

Hindi maitatago ang pagwawagi ni Caluag sa mga programa ng cycling sa bansa upang lalo pang mapalakas ang kampanya sa ibayong dagat. Sa katunayan, walang isa mang BMX racing track mismo dito sa bansa.

Inaasahang idedepensa ni Caluag ang kanyang titulo sa Southeast Asian Games sa susunod na taon sa Singapore bago ang kanyang minamataang Summer Olympics sa 2016 sa Rio de Janeiro, Brazil.

Bagamat may year-long training at overseas stints, napasakamay lamang ng globe-trotting national boxing team ang 1 silver at 3 bronzes.

Tumuntong si lightweight Charly Suarez sa final subalit ‘di naging impresibo ang kanyang pagsisimula at nabigong pataubin ang kanyang kalaban na kanyang pinadugo ang kaliwang kilay.

Inakala ni boxing association president Ricky Vargas na nanalo si Suarez, subalit ‘di na inayunan ng mismong fighter ang verdict.

Tatlong iba pang boxers, si bantamweight Mario Fernandez, lightflyweight Mark Anthony Barriga at middleweight Wilfredo Lopez, ay pawang nabigo sa semifinals.

Ito ang pinakamasamang performance ng boxing team matapos ang one-silver showing sa 2002 Busan Games.

Makaraan ang impresibong stint sa FIBA World Cup, dumating ang Gilas Pilipinas sa Asian Games na mataas ang ekspektasyon bagamat wala ang presensiya ng naturalized player na si Andre Blatche na napatunayang ineligible sa Asiad.

Muling minataan si Douthit ngunit tumanggap ng kritisismo si Reyes nang ‘di inaasahang matalo ang Gilas sa Qatar sa kanilang unang game sa quarterfinals.

Ang naging resulta, ibinangko ang 31-anyos na orihinal na sentro ng Gilas sa kanila namang naging laro sa South Korea.

Naglaro ang Nationals na may inspirasyon sa basketball, umungos ng mahigit sa 16 puntos bago kinapos sa homestretch.

Dapat sana’y may pintuan pa sa semifinals ngunit sadyang kumulapso ito nang talunin ng Kazakhstan ang Qatar. Sana’y ito ang posibilidad na magkaroon ng triple tie sa second semifinal spot.

Nagbalik sa aksiyon si Douthit, ngunit ang kinakailangang 11-point margin victory upang tumuntong sa semis ay kumulapso rin.

Makaraang makakuha ng assurance sa isa sa referees na ang pag-iskor sa ilalim ng goal ng kalaban ay pinapayagan, inatasan ni Reyes si Douthit na mas mag-isip at subukang dalhin ang laro sa overtime.

Ngunit ‘di pinayagan ng referees ang basket kaya’t nagselebra ang Kazahkstan sa kanilang two-point loss.

Nabigo ang Nationals sa China bago pinataob ang Mongolia para sa ikapitong pwesto, ang pinakamasang performance sa Asian Games.

Tumapos ang Pilipinas na may 1 gold, 3 silvers at 11 bronzes, malayo sa kanilang inani sa Guangzhou, China may apat na taon na ang nakalipas na may 3 golds, 4 silvers at 9 bronzes.

Maliban sa boxing at cycling, ang iba pang medalya ay nanggaling sa wushu (2 silvers, 1 bronze), taekwondo (5 bronzes), karate (1 bronze) at archery (1 bronze).

Ipinagkaloob ni Southeast Asian Games champion Daniel Parantac ang unang medalya ng Pilipinas nang pumuwesto ito sa ikalawa sa men’s taijiquan at taijijian all-around sa wushu.

Nag-ambag naman ang kanyang teammates na sina Jean Claude Saclag at Francisco Solis ng tig-isang bronze sa sanda, wushu’s contact sport.

Kahalintulad ng wushu, ang taekwondo ay palagiang consistent source ng medals para sa Pilipinas simula pa noong 1994.

Hindi kahalintulad sa wushu, walang Filipino ang nagwawagi pa ng gold medal sa taekwondo. Tanging sina Donald Geisler at Toni Rivero ang nakatuntong sa finals sa huling pitong pagsasagawa ng Asian Games.

Walang exception sa kasalukuyang taon.

Ang limang bronze medalists sa taekwondo ay sina Benjamin Keith Sembrano, Samuel Morrison, Mary Anjelay Pelaez, Levita Ronna Ilao at Kirstie Elaine Alora.

Ang iba pang bronze medalists ay si karateka Mae Soriano na umentra sa semifinals sa women’s -55-kg. division habang pumangatlo si Paul Marton dela Cruz sa compound men’s individual.

Ang nakakatuwa, ang pinakamatandang medal winner ay ang 32-anyos na si Soriano at ang pinakabata ay si Sembrano, sa edad 19.

Ang biggest disappointment ay mula naman sa bowling na pawang nadiskaril ang kanilang glory days.

Nabigo si Biboy Rivera na maidepensa ang kanyang singles title at tanging si Marie Alexis Sy ang nakuwalipika sa 16- player Masters.

Namayagpag ang Filipino bowlers noong 1978 Asiad sa Bangkok nang kamkamin ni Bong Coo ang tatlong gold medals.

Dumausdos din ang swimming at athletics.

Naunsiyami ang tatlong Filipino swimmers na sina Jasmine Alhaldi, Jessie Lacuna at Joshua Hall na makapasok sa final sa kanilang respective events habang ang long jumpers na sina Marestella Torres at Henry Dagmil ay agad napatalsik.

Hindi nakatapos si decathlete Jesson Ramil Cid sanhi ng knee injury at tinalo ni fancied Fil-American Eric Cray ang tanging isang runner sa seven-man, 400- meter hurdle final.

Napatalsik din ang men’s 400- meter runners sa individual at team heats habang si Christopher Ulboc Jr. ay nangulelat sa men’s 3,000-meter steeplechase.

Maliban sa men’s basketball, sumabak din ang Pilipinas sa women’s softball at rugby.