NAGULAT kami nang mabasa namin sa pahayagan na inaresto sa kasong estafa ang negosyanteng si Cristina Decena.
Ito rin pala ang reaksiyon ni Cristina, sabi niya nang tawagan niya kami kung bakit siya ang inisyuhan ng warrant of arrest, gayong siya raw ang nagsampa ng kaso.
Duda ng businesswoman na naugnay kina Phillip Salvador at Ariel Villasanta ay may kinalaman ito sa kasong isinampa niya sa taong nagpalsipika ng mga dokumento para baligtarin ang lahat.
Good thing na may nagmalasakit sa kanya at ikinuwento ang lahat ng nangyari kaya nabaligtad ang kaso, at kaagad siyang nagpiyansa kaya hindi totoong inaresto siya tulad ng naibalita sa pahayagan, telebisyon at radyo.
Matatandaang inasunto ni Cristina ng patung-patong na kaso ang suspects na nagtangka sa buhay niya na ikinatataka niyang ni isa ay walang sumampa sa korte at siya pa ang binalikan ng counter-charge.
“Nakakataka, Reggee, kasi bago ka balikan ng counter-charge dapat may sumampang kaso, eh, ni isa wala? Kaya pala ako nila kinasuhan kasi ‘yung mga pinadadala nilang subpoena ay hindi ko natatanggap, at talagang hinalukay nila lahat ‘yung dating mga address ko na hindi na ako doon nakatira. Siyempre, sino ang tatanggap doon, so ‘yun ang naging butas sa akin.
“Pero nangako naman ang isa sa pinakamataas na prosecutors na nakausap ko na tututukan niya ang kaso at ito ang aking pinanghahawakan. Umaasa pa rin naman ako sa integridad ng DOJ (Department of Justice),” kuwento ng negosyante.
Ang tanging hiling lang ni Cristina ay patas na paglilitis.
“Ang gusto ko lang naman ay patas na paglilitis. Ako na nga ang biktima, ako pa ang nabaligtad,” pahayag pa ng producer ng Business Flight na umeere sa GMA News TV.
Ang matapang na sabi pa niya, “Dahil kung hindi sila magiging patas, ilalabas ko ang listahan ng mga pangalan na nasa payroll ng suspects.”
Klinaro rin ni Cristina na wala siyang hold departure order tulad ng nabalita at anytime ay maaari siyang umalis ng bansa.