Robin Padilla1 copy

NAMILOG ang mga mata ni Robin Padilla nang tanungin tungkol sa sinabi ni Richard Gomez na gusto nitong gumawa sila ng pelikula kasama si Aga Muhlach.

“Aba, eh, malaking posibilidad ‘yun basta gusto niya. Gusto rin ni Muhlach siyempre,” sabi ni Binoe. “May title na ako, ‘Ang Alak Mas Masarap Kapag Matanda Na’. At kung ako ang tatanungin, sasabihin ko kay Richard at saka kay Aga, gusto ko Hangover style. Kasi kung gagawa pa kami ng action, sakit sa katawan ‘yun,” natawang sabi pa niya.

Ayon kay Robin, si Goma ang gaganap sa papel ni Bradley Cooper, si Aga naman daw kay Zach Galifiniakis kasi nga medyo chubby at si Cesar Montano raw ang direktor, say ng Talentadong Pinoy host.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

E, bakit hindi na lang isama si Cesar sa Hangover dahil magaling din naman itong artista?

”Mahirap din kasi na ‘yung artista, direktor. Kasi mas gusto ko na naka-focus ‘yung director doon sa project para nakakatulog ako ng mahimbing. Kasi mahirap kapag involved, eh. ‘Tsaka dapat ‘yun lalaking direktor na artista at lalaki ‘yung humor, gago rin, babaero rin, siya lang ‘yun!”

Dapat daw ay sa ibang bansa i-shoot ang pelikula nila at plano na niyang tawagan si Goma.

Samantala, tapos nang kunan ang finals ng season one ng Talentadong Pinoy na iere ngayong gabi sa TV5 at totoo ang hula namin dati na kapag may gusto si Robin na ipanalo at hindi ito nagustuhan ng judge ay siya ang mag-aabono.

Kaya nag-abono si Binoe ng P50,000 para sa gusto niyang nanalo dahil deserving daw at kinonsulta niya ito sa TV5 executive na si Wilma Galvante.

“Ang asawa ko (Mariel Rodriguez) ang kahati ko, bale tig-25K kami,” pabirong sabi ni Binoe.

Abangan kung sino sa Lights Production, Mystique, Crew Mechanix, Empoy & Entoy Brothers, Madibeats, Street Voice at Tazmania ang tatanghaling Talentadong Pinoy season one winner at kung sino rin ang isa pang ipinanalo ni Robin.

Makakasama bilang talent scouts sina Derek Ramsey, Gelli de Belen, Richard Gutierrez, Arnell Ignacio, K Brosas at Antoinette Taus.