Nakisalo uli sa ikatlong puwesto ang season host Jose Rizal University sa University of Perpetual Help nang walang kahirap-hirap na magwagi sila kontra sa Mapua kahapon sa pamamagitan ng forfeiture sa pagpapatuloy ng second round ng NCAA Season 90 basketball tournament sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.
Nakamit ng Heavy Bombers ang kanilang ika-11 panalo at 6 talo nang muling i-forfeit ng Cardinals ang kanilang laro.
Ito ang ikalawang sunod na ‘di naglaro ang Cardinals magmula ng suspendihin ng Management Committee ang siyam nilang player na nasangkot sa free-for-all sa laban nila ng Emilio Aguinaldo College (EAC) Generals noong nakaraang buwan.
Bigo ang Cardinals ni coach Atoy Co na magkaroon ng required na limang player dahil kahit natapos na ang 1-game suspension sa mga manlalaro nilang sina Jerome Canaynay (1), Ronnel Villasenor (1) at Darrel Magsigay (1) ay hindi pa rin sila nakakumpleto ng 5-man team dahil injured sina Magsigay at Canaynay habang may iniinda namang back pain si Villasenor.
Hindi rin puwede ang isa pa nilang player na si CJ Isit dahil sa tinamong fracture sa mukha bunga sa pagkakasuntok dito ni John Tayongtong kaya ang nalabi lamang para maglaro sa kanila ay sina Jeson Cantos, Joseph Eriobu at Jessie Saitanan.
Bunga nito, isang panalo na lamang ang kailangan ng Heavy Bombers at Altas upang makamit ang asam na semi-finals berth at makasama ang mga nauna nang semifinalists na San Beda College (SBC) at Arellano University (AU) na may taglay na barahang 13-4 at 12-4, ayon sa pagkakasunod.
Samantala, nakatakdang pagagawan ngayon ng defending champion Red Lions at pumapangalawang Chiefs ang liderato at top spot papasok sa Final Four round sa kanilang pagtutuos sa ikalawang seniors match sa ganap na alas-2:30 ng hapon.
Kung makababawi ang Chiefs sa natamong first round na kabiguan sa Red Lions, may pagkakataon silang makuha ang No. 1 slot sa semis kapag naipanalo rin nila ang huling laban sa Lyceum of the Philippines University (LPU) sa pagtatapos ng eliminations sa Miyerkules.
Bababa naman sa ikalawang spot ang Red Lions na makararanas kung sakali ng kanilang pinakamahabang losing streak na tatlong mga laro.
Hihiwalay naman sa pagkakabuhol nila ng Heavy Bomber ang Altas at sisiguruhin ang ikatlong semi-finals berth sa pagtatangkang gapiin ang wala na sa contention na San Sebastian College (SSC) Stags sa unang seniors game sa ganap na alas-12:30 ng tanghali.