Muling nagmatigas si Philippine National Police (PNP) chief Director General Alan Purisima at sinabing hindi siya magbibitiw sa puwesto sa kabila ng kinakaharap na mga kontrobersiya kaugnay ng umano’y hindi maipaliwanag na yaman.

Sa pulong na ipinatawag ni Purisima, binigyang diin niya na kahit ayaw siyang tantanan ng mga pagbatikos, banat at gusto siyang ilaglag mula sa kanyang kinalalagyan, magpapatuloy pa rin siya sa pagtatrabaho.

Higit pa umanong paiigtingin ni Purisima ang pagsugpo nila sa iba’t ibang kriminalidad, at maging ang mga kapwa pulis na masasangkot sa katiwalian, iregularidad at krimen ay hindi niya sasantuhin.

Inamin ni Purisima na kalimitan ay stressed siya dahil sa tinatanggap na mga batikos, subalit sinisikap niyang magpokus sa trabaho.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Giit pa ng opisyal na hindi siya nasisiraan ng loob dahil dumami ang kanyang mga kaibigan mula nang pumutok ang mga kontrobersiya laban sa kanya, bukod pa sa suporta sa kanya ni Pangulong Benigno S. Aquino III.

Tuwing gumigising siya sa umaga ay nasa 100 text messages umano ang kanyang natatanggap na pawang nagpapaabot ng suporta kahit pa hindi mga kakilala.

Ilang sektor na rin at ilang senador ang nanawagan na mag-leave o mag-early retirement si Purisima kasunod ng pag-ungkat sa magastos na renovation ng White House na ginastusan ng ilang pribadong contractor at pagkakabunyag ng kanyang mga ari-arian.