Matindi ang ipinahayag ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa kanyang talumpati bilang keynote speaker sa Good Governance Forum for Lay Leaders na ginanap sa Sanctuario de Paul Shrine sa Quezon City kamakailan. Na kung ikaw ay isang pulitiko at maramdaman mong ikaw ang pinatutungkulan ay baka himatayin ka sa hiya. Pinuna ni Cardinal Tagle ang mga pulitiko lalo na yaong mga nagnanakaw sa pondo ng bayan at sinabi niyang wala sa lugar ang katapangan ng mga ito. Binibigyang diin niya na ang Simbahang Katoliko ay dumadakila lamang sa katapangan sa tamang dahilan.
Ang tema ng pagtitipong iyon na inorganisa ng Novaliches diocese public affairs ministry ay “Choose to be Brave: Filipino Leaders are Today’s Good Governance Advocate,” bilang paghahanda sa halalan sa 2016. Ang mga taong ito na nagsisipagnakaw ng malaki sa mga mamamayan ay napakatatapang, “ang tatapang ng mga apog”, tinukoy ni Tagle sa isang bahagi ng kanyang talumpati. “Pero hindi ang katapangang iyon ang hiinhintay at hinihiling sa kanila o sa atin ng Diyos at ng bayan. Kinakailangang gamitin natin ang ating tapang sa mabuting pamamahala na maka-Diyos, makabansa at maka-kalikasan”.
Ang mensahe ni Cardinal Tagle sa mga corrupt na pulitiko ay matindi at nakapaninindig-balahibo lalo na kung ikaw ang pinatutungkulan. Ngunit sadya yatang ang kultura ng hiya sa mga Pinoy ay kasabay ng pinalipas ng panahon. Sa ibang bansa, ang mapagbintangan ka lamang ng isang nagnanakaw ay halos hindi na makaharap sa kapwa dahil sa hiya. Ang iba ay nagpapakamatay pa nga. Pero hindi sa mga Pinoy, lalo na sa ilang pulitikong Pinoy.
Sana’y magmulat ang mensaheng ito ni Cardinal Tagle sa mga corrupt na pulitiko. Sana rin ay magmulat ito sa ating mga kababayan sa hindi tamang pagtangkilik o pagboto sa mga pulitikong lista o ang katapangan ay pakunwari at sa pagnanakaw ginagamit. Hindi katwiran at katarungan ang ipinaglalaban ng matatapang na pulitikong ito sapagbkat ang matatapang lamang sa mga ito ay ang hiya.
Salamat sa mga paalaala mo, Cardinal Tagle!