Nina HANNAH L. TORREGOZA at NANNET VALLE

Hinimok kahapon ni Senate Majority Leader Alan Peter Cayetano ang kanyang mga kapwa senador na ikonsidera ang “pattern of corruption” sa iba’t ibang proyektong imprastruktura sa Makati City na maaaring matukoy sa mga testimonya ng mga opisyal ng Commission on Audit (COA) na humarap noong Huwebes sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon sub-committee kaugnay ng umano’y anomalya sa Makati City Hall Building 2.

Sinabi ni Cayetano na dapat na bigyang-bigat ng komite ang testimonya nina COA Commissioner Heidi Mendoza at Alexander Juliano, auditor, kaugnay ng sinasabing overpriced na Makati parking building.

“It seems that what Commissioner Mendoza found out way back then was just the tip of the iceberg. With the alleged overprice in this Makati parking building and Heidi’s testimony, I am beginning to think that we are barely scratching the surface here,” ani Cayetano.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Sa kanyang testimonya noong Huwebes, sinabi ni Juliano na batay sa preliminary report ng komisyon, natuklasang ang kontrobersiyal na gusali ay tinapos nang may “undue haste” at tadtad ng “red flags” ang buong procurement process nito.

Ibinunyag din ni Mendoza sa nasabing pagdinig na ilang medical equipment na binili ng pamahalaang lungsod ng Makati noong panahon ni dating Mayor Elenita Binay, asawa ni Vice President Jejomar Binay at ina ni incumbent Mayor Jejomar Erwin “Junjun” Binay, ay overpriced ng mahigit P61 milyon.

Aniya, natuklasan ng special task force na ang medical equipment na binili para sa Ospital ng Makati noong 2000 hanggang 2001 ay umabot sa P70.56 milyon gayung nasa P9.31 milyon lang ang aktuwal na halaga nito.

Gayunman, iginiit ng abogado ni dating Makati Mayor Elenita Binay na inililigaw lang ni Mendoza ang Senado at ang publiko nang mabigo itong sabihin na ang iprinisinta nitong audit findings sa Senate subcommittee hearing ay ibinasura na ng Sandiganbayan noon pang 2011.

Ayon pa kay Atty. Juan Carlos Mendoza, ang naturang resolusyon ng Sandiganbayan ay may affirmation ng Korte Suprema noong 2012.

Tungkol naman sa findings sa Ospital ng Makati, sinabi ng abogado na dumaan ito sa assessment ng Office of the Ombudsman sa panahon ng preliminary investigation at noong 2011 ay nakapag-clearance sa kanyang liability si Mrs. Binay, pero muling naghain ang Ombudsman ng katulad na kaso ngayong 2014, na umano’y paglabag sa Constitutional rights ng dating alkalde.

Sinabi naman ni Atty. JV Bautista, interim secretary general ng United Nationalist Alliance (UNA) na ang testimonya ni Mendoza ay bahagi pa rin ng demolition job laban sa Bise Presidente at sa pamilya nito.

Samantala, hinikayat kahapon ni Senate President Franklin Drilon si Mayor Jun-Jun na irespeto ang imbestigasyon ng Senado at humarap sa komite.

“I really hope Mayor Junjun Binay respects the process of the Senate. If you recall, we didn’t issue any subpoena to Vice President Binay in respect to his office. I hope Binay, and his colleagues, would do the same and appear here,” sabi ni Drilon.

Matatandaan na muling inisnab ng alkalde ang imbestigasyon ng Senado nitong Huwebes. Bago ito, naghain siya ng jurisdictional challenge na nagkukuwestiyon sa awtoridad ng Senate Blue Ribbon sub-committee para magsagawa ng imbestigasyon.

Nagbabala naman si Drilon na posibleng ipaaresto ang alkalde kung patuloy nitong babalewalain ang imbitasyon ng Senado.