Patung-patong na kasong smuggling ang inihain ng Bureau of Customs (BoC) at Department of Justice (DoJ) laban sa isang big time rice importer bunsod ng umano’y pagpupuslit ng 13 milyong kilong bigas noong nakaraang taon.

Naghain ng hiwalay na kaso ng smuggling sa DoJ sina acting port collector Elmir Dela Cruz ng Manila International Container Port (MICP), Roberto Almadin ng Port of Cebu, at Mario Mendoza ng Port of Manila laban sa Bold Bidder Marketing and General Merchandise.

Kabilang sa charge sheet ay isang kompanya na si Ivy Souza at mga broker na sina Denise Kathrun Rosaroso, John Kevin Cisneros, Francis Rudolf Forneste at Elbert Rusterio.

Nag-angkat umano ang Bold Bidder ng bigas mula Vietnam noong Agosto hanggang Nobyembre 2013 na walang kaukulang permit mula sa National Food Authority (NFA).

VP Sara, dinamayan tauhan niyang nakadetine sa Kamara dahil sa contempt order

“The rice shipments have a total dutiable value of over P186.5 million, with market value estimated at about P512 million,” ayon sa kalatas ng BoC.

Nang beripikahin ng NFA, sinabi ng BoC na lumitaw na nakakuha lamang ang Bold Bidder ng dalawang import permit noong 2013 na may total maximum allowable import volume ng 600 metriko tonelada.

Sa loob ng limang buwan, nakapag-angkat ang kompanya ng 4.9 milyong kilo ng bigas sa pamamagitan ng Port of Manila, 3.7 milyong kilo sa MICP, at 4.3 milyon kilo sa Cebu, na may kabuuang 12,800 metriko toneladang bigas na naipasok sa tatlong daungan.

“None of these shipments were covered by any import permit from the NFA nor were any documents filed before the agency,” ayon sa ahensiya.