Ipagkakaloob ngayon ng Philippine Sports Commission (PSC) ang P1 milyon insentibo kay BMX rider Daniel Patrick Caluag matapos kubrahin nito ang unang gintong medalya sa 17th Asian Games sa Incheon, Korea.
Sinabi ni PSC Officer-In-Charge at Commissioner Salvador "Buddy" Andrada na dumating kagabi sa bansa si Caluag kasama ang iba pang nagsipagwagi ng medalya. Agad ibibigay ng ahensiya ang kanilang insentibo base na rin sa sinasaad sa Republic Act 9064.
"We are still on target," sinabi ni Andrada.
"Although some of the sports that we expected to win failed to deliver, we are still hanging on to our athletes that are still competing. Hopefully, our boxers sweep their last two matches and expect surprises for the combat sports," dagdag pa ni Andrada.
Pinutol ng London Olympian na si Caluag ang pagkauhaw ng Pilipinas sa gintong medalya matapos na magwagi sa kanyang paboritong event na BMX makalipas ang ll-araw na kampanya ng Pilipinas.
Matatandaan na si Caluag ang isa sa inaasahan ni Philippine Chef de Mission Richie Garcia, nag-selebra ng kanyang kaarawan sa mismong araw nang masungkit ng BMX rider ang kanyang unang gintong medalya, na susungkit ng medal ya kung saan ay una rin ito para sa Integrated Cycling Federation of the Philippines (PhilCycling).
Dinomina ni Caluag, walang natipong UCI points maliban sa kanyang pagwawagi sa 2013 Asian Championship, ang pitong kalahok sa BMX men's event nang padyakan ang tatlong seeding run at biguin ang World ranked 144th na si Masuhiro Sampei ng Japan.
Kinapos naman ang kapatid nito na si Christopher John para sa tansong medal ya nang maungusan ni Zhu Yan ng China sa unang pagliko sa race course.
Inialay naman ng BMX champ ang panalo sa kanyang isang linggo pa lamang kasisilang na babaeng anak na si Sydney Isabela.
Idinagdag ni Caluag na matapos ang Asian Games ay agad niyang kakausapin ang PhilCycling at PSC para sa hinahangad na makuwalipika sa Rio de Janeiro Olympics sa 2016 kung saan ay target niyang magwagi ng medalya.
Ang BMX event ay nilahukan ng 2 Chinese, 2 Koreans at Indonesian na si Toni Sharifudin na nasa ika-94 sa ranking sa mundo.