Makasalo ang University of Perpetual Help sa ikatlong puwesto at mapalakas ang kanilang tsansa na makapasok sa Final Four round ang tatangkain ng season host Jose Rizal University (JRU) sa kanilang pagsabak ngayon sa Mapua sa pagpapatuloy ng second round ng NCAA Season 90 basketball tournament sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.

Muling magtatagpo ang Heavy Bombers at Cardinals sa mas pinaagang laro sa ganap na 9:00 ng umaga na susundan ng tapatan ng kanilang juniors squads sa 11:00 ng umaga.

Inaasahang makapaglalaro na ngayon ang Cardinals na gaya ng Letran, Lyceum of the Philippines, San Sebastian College at Emilio Aguinaldo College ay wala na sa kontensiyon sa Final Four round, matapos ang forfeiture ng nakaraan nilang laban sa Knights noong Setyembre 29.

Na-forfeit ang nasabing laban dahil sa kabiguan ng Cardinals na makakumpleto ng limang players matapos na mapatawan ng suspensiyon ang siyam nilang manlalaro dahil sa pagkakasangkot sa kaguluhan sa nakalipas na laban nila ng Generals na kinabibilangan nina Leo Gabo (4 games), Jomari Tubiano (3), Justin Serrano (2), James Galoso (2), Exeqiel Biteng (2), Andrew Estrella (2), Jerome Canaynay (1), Ronnel Villasenor (1) at Darrel Magsigay (1).

National

Makabayan bloc, pinuna balak ni FPRRD na maging abogado ni VP Sara: 'Desperate political maneuver!'

At ngayong tapos na nilang naisilbi ang suspensiyon, puwede nang lumaro sina Magsigay, Canynay at Villasenor na makakasama naman ng mga kakampi nilang hindi nakasama sa mga sinuspinde na sina CJ Isit, Joseph Eriobu, Jessie Saitanan at Jeson Cantos.

Kaya naman inaasahang hindi na iaatras ng Cardinals ang laban at susundan ang ginawa ng Generals sa nakaraan nilang laban kontra sa San Sebastian kung saan ay naglaro sila na mayroon lamang limang player.

Gayunman, inaasahang hindi makalalaro si Isit na nagtamo ng fracture sa ilalim ng kanyang kaliwang mata sanhi ng suntok na inabot kay John Tayongtong sa naganap na free for all.

Sa panig naman ng Heavy Bombers, tatangkain nilang kumalas sa kasalukuyang pagkakabuhol nila ng College of St. Benilde (CSB) sa fourth spot na taglay ang barahang 10-6 kung saan naiwan sila ng isang panalo ng Altas (11-6).

Samantala, maiangat naman ang kanilang pagtatapos ang paglalabanan ng magkapitbahay na Letran at Lyceum sa kanilang pagtutuos sa ganap na 3:00 ng hapon.