INCHEON – Tumapos ang Pilipinas sa isa na namang malamyang kampanya sa athletics kung saan ang huling medalyang nakubra ay noon pang 1994 Asian Games sa Hiroshima, Japan.

Umentra si Eric Cray sa magandang performance sa nineman squad nang makuwalipika sa 4 x 400-meter hurdle event.

Subalit tumapos lamang ang 25-anyos na Fil-American sa ikaanim na pwesto nang kapusin ito sa huling 50 meters. Naorasan ito ng 51.47 segundo, mas mabagal ng magwagi siya sa event noong nakaraang taon sa Southeast Asian Games sa Myanmar.

Tumawid si Bahrain’s Ali Khamis sa finish line na walang kalaban sa naitala nitong 49.71 segundo, sinundan ni Japanese Takayuki Kishimoto at Chinese Cheng Wen.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Bago tumapak si Cray sa starting block, umatras si Jesson Ramil Cid mula sa men’s decathlon nang mapinsala ang kanyang tuhod.

Hindi nakapagsimula si Cid sa decathlon’s final event, ang men’s javelin throw, matapos na sumadsad ang iskor sa men’s pole vault.

Ang pagkawala ni Cid ay sinundan din ng isa pang pagkadismaya sa performance ni long jumper Marestella Torres na napatalsik sa event makaraan ang tatlong fouled attempts.

Naunsiyami ang men’s 4 x 400-meter relay squad na kinabibilangan nina Isidro del Prado Jr., Archand Christian Bagsit, Edgardo Alejan at Julius Nierras na makuwalipika sa final, gayundin sina Bagsit at Alejan sa 400-meter run.

Nangulelat naman si Christopher Ulboc Jr. sa huling men’s 3,000-meter steeplechase sa naiposteng oras na 9:21.63, halos 1 minutong pagka-iwan kay gold medal winner Abubaker Ali Kamal ng Qatar.

Napatalsik din si Henry Dagmil sa men’s long jump matapos na ‘di nakatuntong sa top eight makaraan ang tatlong attempts.

Inamin ni Philip Ella Juico, pinalitan si Go Teng Kok sa athletics, na marami pa ang dapat gawin upang mapalakas pa ang performance ng mga atleta.

Dahil sa kakulangan ng resources, sinabi ni Juico na posible silang pumili ng tanging 13 priority athletes na makakakuha ng pondo mula sa private sector.

Sina Torres at Cid ang unang naging recipients ng nasabing suporta, ayon kay Juico.

Sinabi ni Juico na kailangan pa rin nilang marating ang mga kondisyon na itinakda ng Philippine Olympic Committee (POC) bago dila makakuha ng rekognisyon.

“We will have another election if needed,” saad ng dating Philippine Sports Commission chairman.

Ang athletics ay kumubra ng 11 golds, 10 silvers at 29 bronzes sa Games kung saan ay huling humablot ng medalya si long jumper Elma Muros, ang bronze noong 1994.

Ang legendary na si Lydia de Vega ang huling Filipino athlete na nagwagi ng gold, dinominahan ang century dash sa 1982 sa New Delhi at 1986 sa Seoul. - Rey Bancod