Sa nakalipas na dalawang dekada, karaniwang hindi nawawala ang itinuturing na magkaribal na Ateneo de Manila University (ADMU) at De La Salle University (DLSU) sa finals ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP).

Magmula noong 1994, kasabay sa paglulunsad ng liga sa Final Four format, halos nagpapalitan lamang ang ADMU at DLSU sa paghablot ng titulo o kung hindi naman ay nakadidiretso ng ilang taon sa pagtatagpo nila sa kampeonato ng UAAP men's basketball tournament.

Ngunit noong nakaraang Miyerkules, ang nasabing pamamayagpag ng dalawang koponan ay naputol nang itakda ng National University (NU) at Far Eastern University (FEU) ang kanilang paghaharap sa UAAP Season 77 men’s basketball trournament finals.

At para kay FEU coach Nash Racela, ang pangyayaring ito ang pinakamagandang naganap sa UAAP basketball sa nakalipas na mahigit dalawang dekada.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

“I’ll be vocal about it. Kasi I realized last year lang, Ateneo and La Salle always in the finals since 1994. It’s the best thing to ever happen to the UAAP having FEU and NU in the finals,” pahayag ni Racela sa kanyang post game interview makaraang patalsikin ang nakaraang taong kampeon na Green Archers, 67-64, sa pamamagitan ng last second 3-pointer ni Mac Belo.

Ayon kay Racela, taliwas sa mga tagasuporta ng Ateneo at La Salle na nagpahayag sa social media na “walang kuwenta” ang nakatakdang UAAP finals, “quality games” aniya ang kayang ibigay ng FEU at NU sa collegiate basketball fans.

Bukod dito, sinabi rin ni Racela na gaya ng La Salle at Ateneo, kayang punuin ng dalawang unibersidad ang magiging venue ng kanilang best-of-3 finals series.

“Just like how we witnessed it today. NU could bring the crowd. FEU could bring the crowd. Hindi lang naman Ateneo and La Salle ang makapagpapadala niyan,” ayon pa kay Racela. “I think it’s the best thing to ever happen in the UAAP.”

Ito ang unang pagkakataon, magmula noong 1992, na hindi nakapasok ang La Salle at Ateneo sa finals ng UAAP men’s basketball tournament.