May 1,054 residente ang magtatapos ngayong buwan sa iba’t ibang vocational at technical courses mula sa Las Piñas City Manpower Training Center.
Sila ang Batch 127 na dumalo sa araw-araw na sesyon mula Hulyo hanggang Setyembre ngayong taon.
Nagpahayag si Las Piñas Mayor Nene Aguilar ng kumpiyansa na ang mga nagtapos na nakinabang sa libreng training sa iba’t ibang kurso ay makatutulong sa mga residente na makahanap ng magandang trabaho o makapagsimula ng kanilang sariling negosyo sa bahay upang makadagdag sa maliit na kita ng kanilang pamilya.
Sinabi niya na maraming industriya ang naghahanap na at nag-aalok ng trabaho sa mga nagtapos na may special technical vocational skills.
Ang Manpaower Training Center ay nag-aalok ng automotive servicing, commercial cooking, consumer electronics, food and beverages services, hairdressing, massage therapy, personal computer operations, refrigeration and aircon servicing, shielded metal arc welding, industrial, electricity, cellphone repair, housekeeping at travel services.
Sinabi ni Aquilar na ang mga out-of-school youth at mga matatandang walang trabahao ay makikinabang sa libreng pagsasanay na ipinagkakaloob ng training center na ginawaran ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) bilang isa sa Most Outstanding Training Center sa bansa.