Tinapos kahapon ni London Olympian Daniel Patrick Caluag ang matinding pagkauhaw ng Pilipinas sa gintong medalya sa Day 12 ng kompetisyon matapos na magwagi sa Cycling BMX event sa 17th Asian Games sa Ganghwa Asiad BMX Track sa Incheon, Korea.
Itinala ni Caluag ang pinakamabilis na oras sa tatlong seeding run na 35.277, 35.366 at 35.431 upang talunin ang pitong iba pang kasali, kabilang ang kapatid nito na si Christopher John para sa nagniningning na unang gintong medalya at putulin ang kamalasan ng Pilipinas sa ginto.
Bunga ng pagwawagi ni Caluag, umangat ang Team Pilipinas sa ika-22 puwesto matapos na pagandahin ang iuuwing medalya sa 1 ginto, 2 pilak at 4 tanso para sa kabuuang 7 medalya.
Binigo ni Caluag ang nakalaban mula sa Japan na si Masahiro Sampei na itinala ang oras na 35.444, 35.486 at 36.104 habang pumangatlo si Yan Zhu ng China na may 37.242, 37.072 at 35.609.
Kinapos naman sa tansong medalya ang mas nakababatang kapatid ni Caluag na si Christopher John na tumapos sa ikaapat na puwesto sa itinalang 36.427, 37.633 at 37.337 sa isinagawang tatlong seeding run.
Ito ang unang gintong medalya ng Pilipinas sa nasabing Cycling BMX event matapos na gawing regular na sports ang kada apat na taon Games.
Matatandaan na unang nakuwalipika si Caluag noong 2012 sa London Olympics matapos na tanghaling numero uno sa rehiyon ng Asia at natatanging Asyano na lehitimong nakuwalipika sa kada apat na taon ding torneo.