Tulad ng inaasahan, kasunod ng imbestigasyong isinagawa ng Senate Blue Ribbon Committee sa umano’y overpriced na Makati Building, bumaba ng sampung puntos ang rating ni Vice President Jejomar C. Binay mula sa 41% ng survey noong Hunyo sa 31% ng survey noong Setyembre.
Ngunit nangunguna pa rin siya sa rating na 31%. Ang pinakamahigpit niyang kalaban ay sina Secretary Mar Roxas ng Department of Interior and Local Government na may 13% (mas mataas ng 5 puntos mula sa 7% noong Hunyo) at si Senator Miriam Defensor-Santiago na may 11% (mas mataas ng 4 puntos mula sa 7% noong Hunyo). Susunod naman si Senator Grace Poe na may 10% (mas mababa ng 2 puntos mula sa 12% noong Hunyo). Si Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada na may 10% din (mas mataas ng 1 punto mula sa 9% noong Hunyo).
Ang susunod na survey para sa maaaring tumakbong kandidato para sa pagkapangulo ay gagawin sa Disyembre. Doon natin makikita kung ang pagbagsak ng rating ni Binay ay nagpasimula ng trend, o kung ito ay isang pansamantalang sagwil na nilikha ng Senate probe. Makikita rin natin kung napanatili ang pagtaas ng rating nina Sens. Roxas at Santiago.
Dumidepende ang mga survey rating sa mga balita hinggil sa mga isyu na nakaaapekto sa mga maaaring kumandidato. Sa susunod na mga buwan, maaasahan natin ang mas maraming exposé at pag-atake sa mga personalidad tulad ng Senate probe sa kontrobersiyal na Makati building, na nakatuon sa mga nangungunang kandidato.
Naroon din ang elemento ng pag-eendorso ni Pangulong Aquino. Makatutulong ba iyon sa kanyang mga kandidato? O tulad ng sinasabi ng oposisyon na iyon ay isang “kiss of death” sa ambisyon ng ilan. Nakadepende rin iyon sa sariling rating ng Pangulo na nalalapit na ang pagtatapos ng kanyang termino.