Nagdadalawang-isip ang Malacañang kung magpapadala ng mga health worker o manggagawa sa kalusugan sa mga bansang apektado ng Ebola virus disease (EVD).

Ito ay kasunod ng mga ulat na tinitingnan ng World Health Organization (WHO) ang Pilipinas bilang isa pang pagkukunan ng mga manggagawa sa kalusugan upang mapigilan ang pagkalat ng Ebola virus sa West Africa.

Gayunman, sinabi ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Herminio Coloma, Jr. na mayroong mga dapat isaalang-alang bago ang pagpapadala ng mga manggagawa sa kalugan sa West Africa.

Binanggit niya na kahit ang mga Pilipinong peacekeeper sa Liberia ay pauuwiin ngayong Oktubre dahil sa bantang panganib sa kanilang kalusugan.

National

Dalawang kabaong na nakahambalang sa NLEX, nagdulot ng trapiko

“Bilang bahagi ng United Nations (UN) ay handa naman ang ating bansa na gumawa ng mga hakbang na makakatulong sa pandaigdigang pagkilos laban sa pagkalat ng Ebola virus,” wika ni Coloma.

“Pero ‘yung partikular na aspeto na tayo ay magpapadala ng mga health workers doon… ibang usapin ‘yon dahil nga maraming dapat na konsiderasyon hinggil doon,” aniya.

Sinabi ni Coloma na sa halip ay tutugunan ng pamahalaan ang isyu ng mga peacekeeper sa Liberia bago harapin ang iba pang mga isyu tulad ng pagpapadala ng mga manggagawa sa kalusugan sa mga bansang tinamaan ng Ebola.

Mayroong 148 Pilipinong peacekeeper sa Liberia na magtatapos ang tour of duty sa Oktubre. Iuurong ang mga hukbong Pilipino sa Libya dahil sa mga banta ng sakit na Ebola virus.