TOP-RATER program nitong nakaraang Sabado at Linggo ang unang pagbibida sa Maalaala Mo Kaya ng The Voice Kids 2nd runner-up na si Juan Karlos "JK" Labajo.
Ang episode na nagtampok sa life story ni JK noong Sabado ay pumalo ng national TV rating na 30.7% ayon sa resulta ng TV viewership survey ng Kantar Media. Lamang ito ng 11 puntos sa katapat nitong programa sa GMA na Magpakailanman na nakakuha naman ng 19.5%.
Bukod sa ratings, namayagpag din sa Twitter ang pagganap ni JK sa kanyang sarili sa MMK. Naging isa sa worldwide trending topics noong Sabado ang official hashtag ng programa na #MMKJuanKarlos dahil sa bumuhos na tweets ng netizens sa nakakabilib na kuwentong buhay ng 13 anyos na singing heartthrob.
Samantala, patuloy na magbabahagi ng inspirasyon ang MMK sa episode nito ngayong Sabado (Oktubre 4) na magtatampok sa buhay ni Joshua (gagampanan nina Louise Abuel at Benjamin de Guzman) na umalis ng Antique sa edad na anim para tuparin ang kanyang pangarap na magkaroon ng mabuting buhay. Ngunit malungkot ang naging buhay niya sa pangangalaga ng istriktong tiya, kaya lumayas si Joshua at piniling mabuhay mag-isa. Naranasan niya ang lupit ng buhay sa mga kalye sa Antipolo.
Alamin kung paano naipagpatuloy ni Joshua ang pag-aaral sa kabila ng kahirapan?
Makakasama nina Joshua at Benjamin sina Aiko Melendez, John Arcilla, Odette Khan, Shamaine Centenera, Glenda Garcia, Boboy Garovillo, Jed Montero, Emman Vera, Marithez Samson, Kyle Banzon, Gerald Pesigan, Winryll Banaag, John Vincent Servilla, at Brace Arquiza, mula sa script ni Joan Habana at sa direksyon ni Nick Olanka.