Ni NONOY E. LACSON
ZAMBOANGA CITY – Nagpalabas ang Abu Sayyaf Group sa Sulu ng 12-araw na ultimatum sa gobyerno ng Pilipinas at Germany upang magbigay ng P250 milyon o US$5.62 million na ransom kung hindi ay tuluyang pupugutan ng ulo ang dalawang German na bihag ng grupo sa kabundukan ng Sulu.
Ang ultimatum ay inilabas ni Abu Rami sa Radio Mindanao Network (RMN) sa pamamagitan ng telepono bandang 7:30 ng umaga noong Lunes habang nagtipun-tipon sina Interior Secretary Mar Roxas at Defense Secretary Voltaire Gazmin, kasama ang mga pangunahing opisyal ng pulisya at militar sa Western Mindanao, sa harap ng City Hall para sa “Una Celebration de Victoria y Paz (A Celebration of Victory and Peace).”
Hiniling din ng grupo sa Germany na tigilan ang pagsuporta sa gobyerno ng Amerika sa kampanya nito laban sa Islamic State (IS) o pupugutan nito ang mga bihag na Aleman.
Sa tawag sa telepono na isinahimpapawid sa programang “Straight to the Point” ng RMN, kinumpirma ni Abu Rami na hawak ng Abu Sayyaf ang mga German na sina Stefan Viktor Okonek, 71; at Herike Diesen, 55.
Ang mga dayuhan ay dinukot ng ASG sa Palawan noong Abril 25 habang patungo sa Sabah Malaysia.