Dahil sa pagtaas ng pasahe dulot ng walang humpay na pagtaas ng presyo ng petrolyo, nag-alok ang pamahalaang lungsod ng Caloocan ng libreng shuttle service na maghahatid-sundo sa mga empleyado.
Ito ang inihayag ni Mayor Oscar Malapitan bilang tulong sa mga karaniwang empleyado ng city hall na namumroblema sa pasahe.
Mahigit 500 kawani ng city hall ang nagtatrabaho sa South Caloocan City Hall ang umuuwi sa North Caloocan, gayundin naman, may mga empleyado naman ng North Caloocan City Hall na umuuwi sa South.
Simula 5:00 ng umaga ay nakaantabay na ang shuttle bus sa North Caloocan upang ihatid ang mga kawani sa South at gayundin sa uwian sa hapon.
Pagkahatid sa South Caloocan, isasakay naman ng shuttle bus ang mga kawani sa South na papasok naman sa North.
“Malaking katipiran po ito sa mga kababayan natin lalo na sa mga contractual employees na P7,000 lang ang sinasahod kada buwan. Kahit papaano ay makakatipid sila sa pasahe,” paliwanag ni Malapitan.
Sinadya ng alkalde na maglaan ng pondo na pambili ng shuttle bus na magagamit hindi lang sa mga training seminar kundi magsisilbi ring shuttle service ng mga kawani ng siyudad.