NAG-UWI ng apat na parangal ang ABS-CBN, kabilang na ang isang Gold Boomerang para sa passenger safety mobile app network, mula sa 2014 Boomerang Awards.

Layunin ng Boomerang Awards, na binubuo ng Internet Mobile and Marketing Association of the Philippines (IMMAP), na kilalanin ang pinakamahuhusay na digital programs at campaigns sa bansa.

Nakuha ng “PasaHero” passenger safety app ang isa sa pinakamataas na karangalan nang mapanalunan nito ang Gold Boomerang para sa Programs Category. Ginawaran din ang naturang app ng Black Boomerang o special award bilang Best in Mobile mula sa Smart Communications.

Layon ng “PasaHero” na pataasin ang seguridad ng user o ng pasahero sa pamamagitan ng pagpo-post ng detalye ng kanyang biyahe sa social media at pagpapadala ng emergency notifications sa pinakamalapit na kaibigan o kapamilya sakaling malagay sila sa panganib.

National

Ilocos Norte, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Samantala, nanalo naman ang “Pinoy Big Brother All In Online Bahay ni Kuya” website ng Silver Boomerang sa Effectivity category at Bronze Boomerang sa Campaigns category.

Ang naturang Facebook app ang pinakaunang online na Bahay ni Kuya na ginawa sa kasaysayan ng Big Brother franchise sa mundo. Matagumpay nitong napalawak ang PBB experience para sa masusugid na fans ng programa na hindi umabot sa auditions sa pamamagitan ng pagtanggap sa kanila bilang online housemates na sumabak sa online tasks at challenges na inihanda ni Kuya.

Ang top ten online housemates ay nakapanood ng PBB All In Big Night live sa Araneta Coliseum, at ang grand winner nito ay nagwagi ng P100,000.

Ito ang unang pagkakataon na lumahok ang ABS-CBN sa taunang Boomerang Awards.